Ano bang bago sa muling magluluksa ang pusong muli na namang
namatay?
Ano bang bago para sa akin, ang muling madurog ang pusong
umasa na tuluyan nang liligaya?
Hindi ka pa ba tapos lumuha?
Hungkag na pakiramdam.
Lutang, nakatulala sa kawalan.
Nakangiti sa labas pero sa loob ay may malalim na
dinaramdam.
Masakit, mapait, mahirap, hindi na naman alam ang gagawin.
Heto na naman tayo, may madilim na ulap muli sa paligid.
Pero sa bandang huli…kakayanin!
Bakit nga ba hindi tayo natututo?
Bakit nga ba hindi tayo nadadala?
Bakit ba hinahayaan pa rin natin ang mga sarili natin na
masaktan kahit na napagdaanan naman na natin yon?
Nagmahal, nasaktan, natuto, bumangon, Magmamahal ulit,
muling sasaya,pero sa kalaunan ay masasaktan din ulit.
Ang tanga lang talaga ng mundo!
Hindi pala, kundi ng mga taong nakatira dito.
Hanggang kailan tayo dapat masaktan?
Hanggang sa patuloy tayong nagmamahal?
Eh di mas mabuti pang huwag nalang magmahal ulit.
Kailanman ay hindi mauubos ang mga salitang pwedeng bigkasin
na tutumbas sa lahat ng nararamdaman natin.
Patuloy na magmamahal, patuloy na masasaktan, patuloy na
babangon para mabuhay.
Sanayan lang ‘yan.
Kung nasasaktan man tayo ngayon, pasasaan ba’t gaya ng dati
ay muli rin naman tayong sasaya, mawawala ang pait at muling aasa sa isang
panibagong buhay at bukas na naghihintay.
Masakit man ngayon, pero….sanayan lang yan.
Katulad ng dati…kakayanin!