Saturday, November 7, 2015

Iniwan sa Ilocos (Maikling Kwento)


"Sana kayanin mo ang buhay na wala ako. Hindi ko sinasadya ngunit may mahal na akong iba. Patawad."
Ilan lamang ito sa mga salitang bumasag sa aking pusong isang Biyernes ng gabi. Nawasak ang buong mundo ko nang marinig ko ang mga salitang ito mula sa bibig mismo ng taong pinakamamahal ko. Pitong taon. Pitong taon ng buhay ko ay inialay ko sa kanya kasama na ang buo kong puso. Sinong babae ang hindi iiyak ng sobra at lubos na masasaktan kapag nasabihan ng ganitong mga kataga mula sa isang lalaki? Sa isang lalaki na inaasahan na niyang makakasama niya habambuhay? Nakaplano na ang lahat ng para sa kinabukasan namin ngunit nasira ito dahil sa pagdating ng isang bagong babae sa buhay niya. Pinili niyang tigilan na ang pagmamahal sa akin at ituon ang buo niyang atensyon sa babaeng iyon na kasamahan niya sa trabaho. Lubos ang naging pagtitiwala ko sa kanya. Marami na kaming pinagdaanang pagsubok at nalampasan naman naming lahat iyon. Ngunit ngayon nga ay naging mahina na siya at nagpadarag sa isang panibagong pagsubok na sumubok sa aming pagsasama.

"Hindi ko kaya, Aries. Hindi ko kaya ang mawala ka sa buhay ko." Ang siyang naging tugon ko sa mga masasakit na salitang sinabi niya. "Mahal na mahal kita." Tumatangis kong wika habang yakap siya ng mahigpit.

 Ang gabing iyon na pala ang huli kong pagkakataon na makapaloob sa kanyang mga bisig na sa tuwina ay nagbibigay komportable sa akin.

Makalipas ang isang linggo ay nagtungo kami ng aking mga kaibigan sa Ilocos upang magbakasyon. Tatlong araw kaming mananatili roon. Lilibutin namin ang bawat magagandang lugar na matatagpuan sa Ilocos Sur at Ilocos Norte. Tamang-tama para sa akin ang bakasyong ito upang makalimot at mapaghilom ang sugatan kong puso. Salamat sa mga kaibigan ko na siyang dumamay sa akin. Lima kaming magkakaibigan at lulan kami ng isang van. Alas nwebe ng gabi nang lisanin namin ang Kalakhang Maynila. Mahigit walong oras ang aming binyahe patungong Ilocos at ang lugar na aming unang narating ay ang Vigan. Paputok pa lamang ang araw at kakaunti pa lamang ang mga turista nang dumating kami. Tila ba bumalik kami sa lumang panahon dahil sa mga nakahilerang istraktura sa Calle Crisologo. Bawat tahanan o establisyamento na aming madaraanan ay nasa modelo pa ng panahon ng mga Espanyol. Doon na rin kami nag-almusal at matapos kumain ay nagtungo na kami sa iba pang magagandang lugar sa Ilocos Sur gaya ng Plaza Salcedo, Simbahan ng Vigan, Pagawaan ng mga paso, Bell Tower at iba pa. Inabot kami ng tanghalian sa pamamasyal. Matapos roon ay padako na kami sa Ilocos Norte na mahigit tatlong oras ang byahe. Ang una naming tinungo ay ang mausoleum ni dating Pangulong Marcos. Nagtungo rin kami sa Paoay, Ilocos Norte kung nasaan ang dati niyang tahanan o tinatawag na Malacanang of the North. Tanaw rin dito ang Paoay Lake. Ang sumunod naming tinungo ay ang Paoay Sand Dunes. Isa itong malawak na disyerto na maraming bundok na buhangin na nasa tabi ng dagat.  Dito ay sumakay kami sa isang malaking sasakyan o tinatawag na 4x4. Kaming lima ay nakatayong lahat sa likod na bahagi ng sasakyan habang mahigpit na nakahawak sa mga bakal nito. Tila isang roller coaster ang aming naging byahe dahil sa mga gabundok na buhangin na mabilis naming tinatahak. Hindi maiiwasan ang pagsigaw lalo na kung nasa mataas kaming bahagi at mabilis na bubulusok pababa.

 "Elena, isigaw mo ng lahat na nasa puso mo." Payo sa akin ni Jenna habang lulan pa rin kami ng 4x4.

 "Anong isisigaw ko?" Patay-malisya kong sabi. Ang gusto ko lamang ng mga sandaling iyon ay ang magsaya at huwag ng isipin pa si Aries.
Ngunit muli ko na naman siyang naalala.
Iniwan na niya ako. Hinayaan na niya akong umalis sa buhay niya. Nang gabing nagmamakaawa ako sa kanya na huwag akong hiwalayan at ayusin namin ang aming relasyon ay ipinagtabuyan lamang niya ako at pilit ipinapaunawa sa akin na may iba na siyang mahal. Huwag ko na daw isiksik ang sarili ko sa kanya dahil lalo lamang niya akong masasaktan. Wala na nga akong ibang nagawa nang gabing iyon kundi ang umuwi ng luhaan kasama ang basag kong puso.

 "Isigaw mo na yan, Elen." Payo rin ni Cecilia na siyang umuntag sa pagbabalik-tanaw ko.

"Oo nga. Para mabawasan yang bigat ng nararamdaman mo." segunda pa ni Leni.
Bumulusok na nga ang 4x4 pababa.

"Wala kang kwenta! Hindi na kita mamahalin pa, Aries! Wala ka ng babalikan kahit kailan! Aaahhh! Maging masaya ka sana!" Sigaw ko ng ubod-lakas. "Pagod na akong mahalin ka! Tama na! Wala kang kwentang tao! Bahala ka na sa buhay mo! Bwisit ka!" Muli kong pagsigaw at pinalakpakan ako ng aking mga kaibigan. Naluluha man ay nagawa kong matawa at mukhang tama nga sila dahil gumaan nga ang pakiramdam ko matapos sumigaw ng pagkalakas-lakas.

 Ang sumunod naming destinasyon ay ang hotel na aming tutulugan. Matapos maligo ay nagtungo na kami ng Laoag City upang doon maghapunan. Napasyalan namin saglit ang Sinking Tower maging ang plaza at munisipyo ng Laoag. Muli na kaming bumalik ng hotel upang makapagpahinga.

Kinabukasan ay maaga kaming umalis para magtungo naman sa Cape Bojeador na isang lighthouse. Kasunod nito ay sa Kapurpurawan Rock Formations. Pagkatapos roon ay sa Bangui Windmills naman. Sa tabi ng dagat ay nakahilera ang mahigit isandaang malalaking windmills na siyang napagkukunan ng kuryente para sa ilang bayan sa Ilocos. Nananghalian kami sa isang restaurant na malapit sa Bantay-Abut Cave. Maganda ang tanawin rito at nakakamangha ang kweba na tumatagos sa dagat. 
Sumunod naming dinayo ay ang Kabigan Falls. Kalahating oras ang kailangan naming ilaan patungo sa talon. Maaaring maligo sa talon at mababaw lamang ito ngunit hindi na kami naligo. Bagkus ay nagpahinga lang kami saglit at namamanghang tinignan ang may kataasang talon. Napaisip tuloy ako habang nakatitig dito. Sana katulad ng sa tubig ay umagos na rin palayo ang pagmamahal ko para kay Aries. Nais ko ng kumawala mula sa lahat ng sakit na dinulot niya sa akin. Itigil ko na sana ang pagmahahal para sa kanya at nawa'y mawala na rin ang pag-asa sa puso ko na magkaayos pa kami at magkabalikan. Kailangan ko na siyang kalimutan. May iba na siyang mahal at wala na akong magagawa sa bagay na iyon kundi ang palayain na lamang siya ng tuluyan. Pinunasan ko ang aking mga pisngi na may bahid na ng luha bago pa ako makita ng mga kaibigan ko. Nakilala nila akong malakas at masayahin. Mula kolehiyo ay magkakaibigan na kami at ngayon nga ay limang taon na kaming may mga iba-ibang pinagkakaabalahan sa buhay. Limang taon na nga ang lumipas mula nang magtapos kami sa kolehiyo ngunit kami-kami pa rin ang magkakasama kapag may okasyon o mga galaan na gaya nito. Salamat sa Diyos at may mga kaibigan akong nasasandalan at nasasabihan ko ng aking mga saloobin bukod pa sa aking pamilya. Iniwan man ako ng isang tao na lubos kong minahal ay alam kong may mga tao pa rin na hindi ako iiwan at sasaktan kailan man.

 "Huwag ka ng mag-drama jan, Elena. Tara na sa van dahil may susunod pa tayong pupuntahan. Maliligo na tayo sa beach!" Masayang wika ni Leni. Nakangiti naman akong sumunod sa kanya. Sa Pagudpud nga kami naligo. Ang dagat nito ay napakaganda at napakalawak. Puting-puti at pinong-pino ang buhanginan sa tabing dagat. Isa itong paraiso! Kakaunti lamang ang mga tao nang mga sandaling iyon kaya naman libre ang sumigaw. Muli kong isinigaw ang nilalaman ng aking puso.

 "Kakalimutan na kita! Hindi na kita mahal!"

Tinapik ako sa balikat ni Jenna, "Maaaring sa ngayon ay hindi pa totoo yang mga sinasabi mo pero pasasaan ba't magiging totohanan rin yan. Kailangan mo lang tanggapin sa sarili mo ang lahat at huwag ka ng aasa pa." Payo niya.

 May pait sa aking ngiti nang tanguan ko siya. Itinuloy na namin ang paglangoy at pagbabad sa ilalim ng araw. Napuno ang aming oras na nakalaan para sa paglangoy ng kulitan, asaran, kwentuhan at tawanan. Nang magtatakipsilim na ay muli na kaming bumalik ng hotel para maghapunan at magpahinga dahil maaga pa kaming luluwas pa-Maynila kinabukasan. Alas syete ng umaga ay handa na ang lahat para sa isa na namang mahabang byahe. Nakakain na rin kami ng almusal. Pagkalipas ng apat na oras ay muli kaming dumaan ng Vigan upang mamili ng pasalubong. Naglaan kami ng isang oras para doon. Kung dati sa tuwing pupunta o magbabakasyon ako sa ibang lugar ay lagi kong binibilhan ng pasalubong si Aries sampu ng pamilya niya ay hindi na ngayon.

Mga ka-opisina, kasama sa bahay o pamilya ang mga tao na nasa isip ko na bibilhan ng pasalubong. Pati na rin pala ang matalik kong kaibigan na hindi nakasama sa amin dahil sa kanyang trabaho. Ibinili ko si Mark ng isang t-shirt na Vigan na katulad ng sa akin. Mukha siyang couple’s shirt ngunit para sa akin ay wala itong malisya. Isa si Marky sa mga taong pinahahalagahan ko sa buhay. Maging siya ay dinadamayan ako kahit pa gaano siya kaabala sa kanyang trabaho.

Napagtanto ko na kaya ko naman palang mabuhay nang wala si Aries sa loob ng aking mundo. Sabi ko sa kanya hindi ko kaya, pero nagkamali ako. Dahil kayang kaya ko! Sa tulong ng Diyos at ng mga tao sa aking paligid ay kaya kong magkaroon ng panibagong buhay na wala siya.

Habang lulan ng van na pabalik ng Maynila ay ito ang aking nasa isip:
Iniwan ko na sa Ilocos ang basag kong puso at dala-dala ko ngayon ang isang buo at panibagong puso na magmamahal muli ng isang taong karapat-dapat. Hindi pa man iyon agaran ngunit alam kong darating din ang tamang panahon para sa isang panibagong pag-ibig.

Lumipas ang kalahating taon at naging masaya ang buhay ko nang wala siya. Marami akong bagay na nagagawa ngayong malaya na ako mula sa isang nabigong pag-ibig. Mga bagay na hindi ko nagagawa noon sapagkat halos ang buong mundo ko ay umikot lamang sa kanya. Lahat ng aking oras na bakante ay ibinubuhos ko sa kanya. Nagkaroon ako ng panibagong mga plano para sa aking sarili. Marami pa akong mga lugar na gustong puntahan at mga nais gawin sa hinaharap. Bukod sa pagbuo ng sariling pamilya- na nais ko na sanang mangyari noon, ay marami pa palang pwedeng mangyari sa aking buhay. Ang mga pangarap ko noon bago ko pa man makilala si Aries ay muling nanumbalik sa aking dugo. Muli kong naging mithiin ang mga ito. Ilan sa mga pangarap ko noon ay malibot ko ang buong Pilipinas at maakyat ang mga matataas na bundok. Ninais ko rin noon na makatulong sa kapwa bilang myembro ng anumang organisasyon na naglalayong makapagbigay ng serbisyo sa ibang tao na walang hinihinging kapalit o kabayaran.  Sa mga libre kong oras ay ito ang aking mga pinagkakaabalahan at masaya ako sa aking mga ginagawa na sa wakas ay nakalimutan ko na ng tuluyan ang pagmamahal ko para sa kanya. Maaaring malinaw pa rin sa aking memorya ang mga pinagdaanan namin kasama na ang araw na lubos akong nasaktan ay wala na akong maramdamang kahit anong pait o saya o lungkot. Masasabi kong ang isang kabanata ng aking buhay ay nagsara na at masayang masaya ako tungkol sa bagay na ito.

Paunti-unti ay may mga bago akong tao na nakikilala at nagiging parte ng aking buhay. Isa na rito si Miguel. Nagkakilala kami mula sa isang tao na pareho naming kakilala at kaibigan. Aaminin kong masaya ako kapag kausap ko siya. Napapatawa niya ako ng malakas at magaan talaga sa aking pakiramdam kapag magkasama kami. Halos lahat ng bagay ay napagki-kwentuhan namin at walang patay at nasasayang na sandali sa tuwing kami ay magkasama.

Isang araw ay inamin niya sa akin ang totoo niyang nararamdaman. “Mahal kita, Elena. Isa kang babae na may ginintuang puso at masasabi kong ikaw na ang nais kong makasama habambuhay.” Pagtatapat niya ng saloobin. “Bukod sa maganda ka ay maganda rin ang iyong kalooban. Isang malaking tanga si Aries dahil pinakawalan niya ang katulad mo. Sana ay mabigyan mo ako ng pagkakataon na mahalin ka sa habang panahon.”

Ramdam ko ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan ni Miguel. Ngunit naghahari ang takot at pangamba sa aking puso. Handa na nga ba akong magmahal ulit at tumanggap ng isang panibagong lalaki sa buhay ko ng higit pa sa isang kaibigan?

Handa na nga ba akong masaktan ulit kung saka-sakali?

Mukhang hindi pa. Walong buwan pa lamang ang nakakalipas mula ng makipaghiwalay sa akin si Aries at kung papayagan ko si Miguel na pumasok sa aking puso ay baka muli na naman itong mabasag.

Pinili ko ang iwasan muna si Miguel. Lumayo ako sa kanya para makapag-isip-isip. “Maghihintay ako sa’yo Elena, hanggang sa kaya mo na ulit ang magmahal, hanggang sa mawala na ang lahat ng takot diyan sa puso mo.” Aniya sa naging huli naming naging pag-uusap.

“Maraming salamat, Miguel. Espesyal ka sa akin, tatandaan mo iyan.” Tangi kong naging tugon sa kanya.
Gusto ko siya, oo. Ngunit natatakot ako.

Lumipas ang ilang linggo na hindi kami nag-usap at aaminin ko sa sarili ko na na-mi-miss ko si Miguel. Tila ba araw-araw ay may kulang sa buhay ko ngunit tiniis ko ang pangungulila upang malaman ko ang tunay kong nararamdaman para sa kanya. Baka kasi hindi ko naman talaga siya gusto at ginagamit ko lamang siya upang tuluyang makawala sa mga ala-ala ko kay Aries. Hindi ko alam. Nalilito pa ako sa kasalukuyan.

Dahil sa trabaho ay kinakailangan kong magtungong muli ng Ilocos. May itatayong bagong sangay ang aking kumpanyang pinagtatrabahuhan doon at ako ang inatasan na magtungo roon upang ayusin ang mga papeles ng establisyemento.

Sa pagbabalik ko sa Ilocos, habang lulan ng aking sasakyan, ay muli kong naalala ang basag kong puso na iniwan doon. Marahil ay kailangan ko iyong balikan sapagka’t iyon ang klase ng puso na matapang, dakila at handang masaktan dahil marunong iyon magmahal ng lubos. Sana sa pagbalik ko ng Maynila ay handa na ulit akong umibig at mawala na ang lahat ng takot na naghahari sa aking puso. Gabayan sana ako ng Maykapal.


WAKAS

No comments:

Post a Comment