Wednesday, March 1, 2017

"Nasasaktan Pa Rin Ako"


Isinulat ni: CieloAmethyst



Tapos na, eh. Matagal ng tapos.
Lumipas na rin ang ilang taon na nagkasakitan tayo. 
Nagkapatawaran na rin naman na tayo.
At higit sa lahat ay wala nang "Tayo". At ang natitira nalang ay ikaw at ako.
Pero "Bakit"?
 Bakit sa tuwing naalala ko ang mga nangyari sa nakaraan ay may tila bumibiyak pa rin sa aking puso?
Bakit sa tuwing sumasagi sa isip ko ang mga nagawa mo at ang taong ipinalit mo sa akin ay nasasaktan pa rin ako?
Sa totoo lang ay ayoko naman na talagang maramdaman 'to.
Dahil ako rin naman kasi ang nahihirapan. 
Pero ano nga ba ang magagawa ko kung kusa itong nagsusumiksik sa damdamin ko?
Sobra kasi kitang minahal noon na halos wala na akong itinira para sa sarili ko. 
Kaya heto nasasaktan pa rin ako ng sobra-sobra.
Madalas ko pa ring sisihin ang sarili ko hanggang ngayon. Iniisip na baka ako naman talaga ang may problema, na baka ako naman talaga ang may kasalanan kung bakit naging ganon tayo noon.

Ano nga ba ang pwede kong gawin para hindi ko na ito maramdaman pa? Para hindi ko na balikan ang lahat ng pait ng kahapon. 
Gusto kong magsimula ulit na wala ng baon na sakit at pag-asa na lamang ng isang bagong pag-ibig na pupuno sa lahat ng naging pagkukulang noon.
Mangyari pa kaya iyon? 
Sana naman oo. Dahil sino ba naman ang gustong malugmok habambuhay sa lahat ng sakit ng pagkakamali. 

Karapatan naman siguro ng bawat isa sa atin ang muling bumangon, maging masaya at iwan na ang lahat ng mabibigat na dalahin. 

At sana ang pagkakataon na iyon para sa akin ay dumating na. Ayoko na kasing masaktan nang paulit-ulit sa parehong dahilan. 

Kung pwede nga lang na matulungan mo ako mapawi ang lahat ng sakit ay tatanawin ko iyon na isang malaking utang na loob. 
Maraming salamat talaga.
Pero baka sakali rin naman na ako lang din pala ang makakatulong sa sarili ko at wala ng iba pa.
Anuman ang maging paraan, ang tanging hiling ko lang ay makalaya na. 
Tulad ng isang ibong nakawala sa rehas na kinasadlakan niya ay muli siyang babalik sa masaya niyang tahanan - sa himpapawid, sa alapaap, sa kawalan. 

Hindi na ako muling masasaktan pa. 
At sa muli ay magmamahal na ulit nang wagas.
Tiwala lang at darating din siya. Ang taong susulit sa lahat ng pait at tuluyan nang magwawakas sa lahat ng sakit.
Yung taong hindi na kailanman mang-iiwan at magkasama naming haharapin ang lahat ng hirap at pasakit ng buhay. Dahil iyon naman talaga ang katotohanan, hindi ba? 
Hindi parating masaya. Hindi laging puro ligaya. 
Darating pa rin ang mga sandali na iiyak tayo, masasaktan, madudurog, madadapa. 
Pero pasasaan ba at babangon din naman tayo, pero sa pagkakataong iyon ay may kasama na tayo, may karamay, may kasamang hindi susuko at kailanman ay hindi tayo hahayaang masaktan nang mag-isa. 
Sana dumating na siya. 
Kasi alam ko sa sarili ko, na kung siya naman ang haharap sa hirap at siya rin ay makakaranas ng sakit, hinding-hindi ko siya susukuan at iiwan nang mag-isa. 
Papawiin namin ang lahat ng sakit nang magkasama.
Hindi ko siya bibitiwan. Dahil kailanman ay hindi ko gawain ang maunang bumigay, ang maunang sumuko at maunang mang-iwan. Salamat sa pagkatao ko na marunong manindigan.


Nasaan ka na ba?

Halika na dito sa tabi ko. Kailangan ko ang tulong mo dahil sa ngayon ay nasasaktan pa rin ako.
Mahal ko, yakapin mo naman ako. Dahil iyon lang ay sobrang sapat na para mapawi ang lahat ng bigat na nararamdaman ko.

Ayoko nang masaktan na ikaw ang dahilan...

No comments:

Post a Comment