Saturday, February 20, 2016

“Belen”

 Maikling Kwento ni: CieloAmethyst

(photo credits to owner)



Mukha nalang ni Mama Mary, Joseph at Baby Jesus ang kulang sa ginagawang belen nila Popoy, Basha, Yna at Angelo. Mahirap kasi iyong gawin. Lalo pa at gawa sa bote ang mga tao na nasa loob ng belen. Proyekto nila iyon sa eskwelahan. Kinakailangan nilang gumawa ng isang belen na yari sa mga patapong bagay gaya ng bote, plastik, mga kahoy, tuyong dahon at iba pa. Ginagawa nila ang belen sa tapat ng bahay nila Basha.

“Yehey! Konti nalang matatapos na natin.” Masayang wika ni Basha na ang edad ay siyam na taong gulang. Silang apat ay halos magkakasing-edad lamang at nag-aaral sa malapit na paaralang elementarya sa kanilang barangay.

“Sinong mag-do-drowing ng mga mukha?” Tanong ni Yna sa kanilang lahat.
Itinuro ni Basha si Angelo. “Ikaw nalang. Magaling ka mag-drowing, hindi ba? Ang taas nga ng grades mo sa Arts eh.”

Ngunit tumanggi si Angelo. Mabilis itong umiling-iling. “Ayoko. Baka pangit ang kalabasan. Bumaba pa ang grades natin.”

“Hindi yan.” Pamimilit ni Basha. “Magaling ka kaya!”

Ngunit hindi nagpatinag si Angelo. Ayaw niya talagang iguhit ang mukha ng mga tao na kailangan sa belen.

“Paano na yan? Sino nalang mag-do-drowing?” Malungkot na tanong ni Yna sa mga kasama.

Inis na hinarap ni Basha si Popoy. “Bakit ba kasi ayaw mong mag-drowing? Mga mukha lang naman nila Jesus, Mama Mary at Joseph ang ido-drowing mo. Wala ka bang pamilya?”

Gulat siyang tinignan ng lahat. Lalo na si Popoy. Bakit nga ba niya nasabi iyon? Marahil ay nabigla lamang siya at dala na rin ng pagkainis kay Popoy. Nag-iinarte pa kasi ito.
Ang pagkagulat sa mukha ni Popoy ay napalitan ng lungkot. Mababakas sa mga mata nito ang tila pananabik sa binitiwang salita ni Basha.

Pamilya. 

Wala nga ba siyang pamilya? 

Maituturing na bang pamilya ang pagkakaroon ng isang nakakabatang kapatid na si Clark at ina? Silang tatlo lamang ang magkakasama sa bahay. Pamilya na ba ang tawag doon?

Binatukan ni Yna si Basha. “Grabe ka, Basha. Huwag ka ngang ganyan.”

“Aray naman! Bakit ka ba nambabatok?” Bulyaw naman ni Basha kay Yna habang kamot-kamot ang ulo.

“Tama na yan. Huwag na kayong mag-away. Tapusin na natin 'to.” Sita naman ni Angelo sa dalawang babae. Binaling ni Angelo ang tingin kay Popoy na napatungo. “Popoy, gawin mo na please.”

“Masaya ba ang magkaroon ng kumpletong pamilya?” Tanong ni Popoy sa lahat.

Si Basha ang unang sumagot. “Oo naman! Lalo na kapag Pasko.”

 “Ah.” Maikling tugon ni Popoy.

“Kuya!” Papalapit sa kanila ang tumatakbong si Clark.

“Bakit, Clark?” tanong ni Popoy sa nakababatang kapatid.

“May lalaki sa loob ng bahay at ang sabi ni nanay, siya daw ang tatay natin! Dumating na daw ang tatay natin, Kuya. May tatay na tayo.” Imporma ni Clark sa kanya.

Masaya si Popoy! Sa wakas, mararananan na niya ang magkaroon ng isang kumpletong pamilya.



WAKAS

No comments:

Post a Comment