Sunday, July 3, 2016

Nakakapagod


Isinulat ni: CieloAmethyst
July 3, 2016
6 am

Nakakapagod na.
Parang gusto mo nalang tumigil sa lahat ng bagay na ginagawa mo ngayon.
Parang gusto mo nalang magpakalayo-layo at magtago mula sa lahat ng bagay na nagpapahirap sa'yo.
Sa trabaho, sa sarili mo, sa kanya.
Gusto mo nalang mawala na parang bula.

Nakakalimutan mo na yata kung paano ang maging masaya.
Ang mahalin ang mga bagay na kinagisnan mo nang gawin.
Ang magkaroon ng magandang papanaw sa hinaharap
Ang mapuno ng pag-asa sa bawat paghihirap na pinagdadaanan,
Na balang araw, matatapos din ang lahat.
Nakakapagod rin pala ang maging masaya.
Nakakasawa at minsan ang pinakamabisang pantakas ay malugmok nang mag-isa.

Alam mo namang mali ang ganitong pag-iisip at hindi tayo dapat basta-basta sumusuko.
Pero nakakapagod na kasing talaga lalo pa at pakiramdam mo ay nag-iisa ka nalang.
Ang kawalan ng pag-asa ay para na ring pagiging talo sa laban ng buhay.
Ang pagsuko ay para na ring kawalan ng tiwala sa mga bagay na pinanindigan mo noon. Pero paano mo nga ba lalabanan ang sarili mong emosyon? Kung ito mismo ang lumalamon sa'yo ng buong-buo.
Kanino ka lalapit? Kanino ka magsasabi ng lahat ng pinagdaraanan mo ngayon?
Sa Kanya? Sa mga malalapit mong kaibigan? Sa pamilya? Sa hindi mo kakilala? Sa papel at panulat? O sa makabagong teknolohiya?

Pero maiisip natin na may mga sarili ring pinagdaraanan ang iba at nakikipaglaban rin sila sa sarili nilang mga problema.
Hanggang sa pipiliin mo nalang ang mapag-isa...

Nakakapagod.
Sobra nang nakakapagod.
Nakakapagod nang maging matatag, malakas, masaya.
Nakakapagod na ang lumaban.

Maaaring lahat talaga tayo ay dumadating ang kahinaan natin at nilalamon tayo ng buong-buo.
Na ang tanging magagawa mo nalang ay tumungo sa isang gilid, matulala, lumuha at pauli-ulit na sasabihin sa iyong sarili na, 'Ayoko na. Pagod na ako. Suko na ako.'

Ngunit sa kabila ng lahat ng kasalukuyan mong ipinaglalaban na kalungkutan, may isang katiting na bahagi ng puso mo ang magsasabing, 'Kaya pa! Walang sukuan.'

Pahinga lang ang katapat ng lahat ng ito at pagkatapos ay magpapatuloy kang muli.

Muli kang ngingiti na parang baliw at mapagtatanto mo na napagod ka lang talaga pero tuloy pa rin ang laban ng buhay at ang pagsuko ay hindi dapat isinasaalang-alang na pagpipilian.
Magiging masaya tayo ulit. Tiwala lang.

No comments:

Post a Comment