Saturday, October 5, 2013

I love you, pero joke lang


(Rowee and Enchantress)

“If you can’t say it directly, idaan mo nalang sa joke. Malay mo kahit joke lang, magets niya na totoo na pala yun.”


“Huy! Chantress! Iniisip mo na naman yung ex mo noh?” nagulat si Enchantress ng bigla nalang siyang batukan ni Laarni, kaklase, bestfriend at katrabaho niya. Pareho silang working student nito. Kasalukuyan silang naghihintay ng iba pa nilang mga ka-crew para sa daily post shift meeting.
“Kailangan talaga may batok?” hindi niya namalayan na nakatulala na naman siya. Ganun siya these past few weeks. Simula ng magbreak sila ng boyfriend niya na si Rr last month, lagi nalang siyang natutulala at maya maya bigla nalang maluluha. Sobra niya kasing minahal ito. Buti na nga lang at hindi naaapektuhan ang trabaho niya bilang cashier sa isang fast food restaurant. Kundi ay malamang lagi siyang tagbayad ng sales shortage o di kaya naman ay tadtad ng sermon mula kay Ma’am Shaw dahil sa customer complaints.
Para matauhan ka na. Umaasa ka pa rin kasi na magkakabalikan pa kayo eh,”kunsabagay may katwiran ang kaibigan niya.
“Hindi noh. Hindi na ako umaasa.” Pag dedeny niya sa tunay na nararamdaman.
“Enchantress Macariola, dalawang taon na tayong magkaibigan. Magsisinungaling ka pa ba sa akin?”Kilalang kilala na nga siya ng kaibigan. Simula first year college,ito na ang lagi niyang kasama kahit may date sila ni Rr kasama niya ito. Chaperone kumbaga. Siya din naman chaperone nito sa mga nanliligaw rito. Hindi pa kasi nagkakaboyfriend si Laarni. Ang dahilan nito, ayaw matulad sa kaibigan na laging may problemang pampuso. Sapat na daw rito na projects, exams at allowance lang ang pinoproblema.
“Ayoko na ngang umasa eh! Tapos pinagpipilitan mo pa.”
“Ay! Ako pa pala may kasalanan? Wow ha!”
“Try mo kayang tumahimik. Ang ingay mo.” Pambabara ni Enchantress sa kaibigan/classmate/ka-crew/kontrabida sa pag eemote niya.
“Wala na kong sinabi.” Tanging nasagot nito.
“Uy! Si Chant, problemado pala sa lovelife!” nakikinig pala sa usapan nila ang isa pang ka crew na si Marvin, “Rowee, pare! Ligawan natin si Chant para sumaya na siya!”kausap nito si Rowee na kararating lang sa party/meeting room nila.
“Tseh! Chismoso ka talaga Marvin. Dinamay mo pa si Chant sa kalokohan mo. Broken hearted na nga yung tao eh.”saway ni Laarni sa ka-crew.
“Tumutulong na nga para sumaya si Chant eh. Anong kalokohan dun?” pamimilosopo nitong sagot, “Ano Rowee? Ligawan na natin si Chant.”
“Sige ba! Kung sino sa atin ang sagutin ni Chant manlilibre ha!” gatong naman ni Rowee.
“Huwag kayong mag-alala. Pareho ko kayong sasagutin. Ng Hindi! Huwag na kayong dumagdag sa problema ko. Utang na loob.”
“Tumigil na kayo sa kulitan niyo. Andito na si Ma’am Shawie.” Sita sa kanila ni Ate Anne, “magsisimula na tayo mag post shift para maaga tayo makauwi.”

-O-
“Sabay na tayong umuwi Chant,” habol nila Rowee at Marvin sa magkaibigan na Enchantress at Laarni.
“Obvious bang may kasabay na ako? Andito si Laarni sa tabi ko oh.”sabay turo nito sa kaibigan na naka abrisyete pa sa kanya.
“Oo nga! Anong tingin niyo sa akin, invisible?Tsaka out of way kaya kayong dalawa.”
Dagdag pa ni Laarni sa sinabi ng kaibigan. Si Rowee kasi ay taga Pasay habang si Marvin naman ay taga Makati lang. Malapit sa pinagtatrabahuhan nila. Sila naman ni Enchantress ay parehong taga Taguig. Tricycle lang ang pagitan ng mga bahay nila.
“Ito naman. Parang sasabay lang eh. Edi hanggang sakayan, ihahatid namin kayo,” depensa ni Marvin.
“Hindi naman kami inbalido.” Bara ni Enchantress sa mga kasabay.
“Hindi mo naman kailangang maging inbalido eh para lang maihatid ka namin,” bawi ni Rowee.
“What ever.”si Enchantress.
“Bahala kayo.” Si Laarni.
Tara na!” nag apiran pa ang dalawang lalaki. Mga kaedaran din nila ito. Mga working student rin gaya nila. Sa ibang University nga lang nag-aaral.
“Kung ako sa inyong dalawa. Tigilan niyo na ang binabalak niyo. Hindi manliligaw ang kailangan ni Chant ngayon, kundi mga kaibigan na hinding hindi siya ‘lolokohin’.” Binigyang diin pa nito ang salitang lolokohin. Nahuli kasi ni Enchantress ang boyfriend niya na si Rr sa mall kasama ang isang babaeng batchmate din nila nung high school. Akala niya nung una, walang katotohanan ang mga naririnig niya. Yun pala totoo ito at siya pa mismo ang nakatuklas.
“Mga kaibigan naman kami ah! Na pwedeng maging ka-ibigan!, Di ba Rowee?”
“Oo nga. Tsaka hindi kami manloloko. Panu ba yan pare, may the best man win nalang!”
“Oo. Kukunin talaga kitang bestman kapag kinasal kami ni Chant. Di ba Chant?” kinindatan pa ni Marvin ang kaibigan.
“Bahala kayo sa buhay niyo. Tama si Laarni. Hindi ko kailangan ng boyfriend. Kaya wala kayong pag-asa.”sagot nito.
“Ouch.”sinapo pa kunwari ni Rowee ang dibdib, “basted kaagad.”
“Ganun na nga!” at hinampas pa ni Laarni ang dibdib nito.
“Aray ha!”si Rowee.
“May bus na! Tara na Laarni! Sakay na tayo. Ingat kayong dalawa!” paalam ni Enchantress sa dalawang lalaki.
“Bye Chant! Ingat ka! I love you! Pero joke lang!” tumatawang paalam ni Rowee sa kaniya.
“Loko loko!”sigaw ni Laarni rito buhat sa bintana ng bus.
-O-

Tuwing pagkatapos ng klase nila Chant ay dumederecho na sila sa pinagtatrabahuhang fast food chain. Lagi silang sabay pumasok at umuwi. Maliban nalang pag Thursday at Friday. Mag kaiba kasi ang restday nila. Si Laarni pag Thursday at kay Enchantress naman ang huli. Katulad ngayong araw, Huwebes, mag-isa lang na papasok at uuwi si Enchantress sa kanyang trabaho.
“Anak ng tinapay! Sa dami ng makakasalubong, yung bruha pang ito.”nagngingitngit na sabi ni Enchantress sa sarili. Tukoy ni Enchantress sa kasalukuyang girglfriend ni Rr. Palabas na siya ng gate ng University nila nang makasalubong niya ito. Isang nakamamatay na irap ang pinukol niya dito. Nahihiyang napayuko na lamang ang babae. Ka school mate niya ito at kapareho pa ng course. Mabuti na lamang at hindi niya naging kaklase kundi ay makakalbo niya talaga ito. Si Rr naman ay iba ang kusong kinukuha ngunit doon din sa University na iyon nag-aaral. Sa pagkakaalam niya pareho ng school org. ang dalawa. Siya kasi hindi na siya nakasali dahil masyado ng busy ang schedule niya sa trabaho at subjects niya.
Dala pa rin ni Enchantress ang kabadtripan niya pagpasok ng crew room.
“Good afternoon Chant!” nakangiting bati sa kanya ni Marvin. Mukhang mangungulit na naman ito at wala siyang balak makipagsabayan dito ngayon. Hindi niya ito kinibo o nginitian man lang at tuloy tuloy na pumasok sa cubicle para magbihis ng uniform.
“Badtrip?” pangungulit pa rin ni Marvin, “Alam mo dapat hindi tinatago yan eh kasi baka sa iba lumabas yan.”
Lumabas na si Enchantress sa cubicle, “Alam mo kung ano problema ko Marvin? Nakita ko yung malanding babae pagpunta ko rito. Gusto ko na siyang sapakin pero hindi ko nagawa eh. Baka gusto mo sa’yo ko nalang isapak?”
“Aw! Wag ganun.”
“Manahimik ka nalang. Di ka naman nakakatulong eh.”
“Masyado kang bitter.”
“Pakelam mo ba?”
“Dapat nga ipakita mo dun sa babae na hindi ikaw ang nawalan.”
“Obvious ba na hindi ako ang nawalan?”
“Ang ibig kong sabihin, patunayan mo sa kanila na hindi ka mukhang kawawa. Madaming lalaki diyan at hindi ka deserving para sa kanya kasi sa mga taong nagmamahal ng tapat hindi dapat niloloko.” Seryoso nitong pahayag. Sa isip isip ni Enchantress may sense din naman pala itong kausap. Akala niya puro kalokohan lang ang alam nito. Napatango na lamang siya tanda ng pag sang ayon.
“May darating din na tamang lalaki para sa’yo,” dagdag pa nito, “Ayan oh! Speaking” turo nito sa kadarating pa lang na si Rowee.
“Ha? Ako? Bakit?” maang na tanong nito.
“Parang hindi naman,” komento ni Enchantress.
“Ano ba yon?”  hindi makarelate si Rowee sa usapan ng dalawa.
“Wala. Magbihis ka na. Malelate ka na,” sagot ni Marvin. Sabay sabay silang nag –in .
-O-

Pagkatapos ng post shift meeting ay nagkayayaan ang magkaka-crew na tumambay muna sa katapat na convenience store bago umuwi. Tutal ay walang pasok si Enchantress sa eskwelahan at pati na rin sa trabaho ay pumayag siyang sumama.
“First time mong sumama ah.” Pansin ni Ate Anne dito.
“Oo te, wala naman po akong pasok bukas sa school eh tapos RD(rest day) ko pa.” Hindi kasi talaga siya pala gimik. Bukod sa mga magulang niyang strikto, isa pa sa nagbabawal sa kanyang sumama sa mga ka crew ay si Rr. Noon.
Dalawang buwan pa lang siya sa trabahong iyon at ito ang first time na sumama siya sa mga katrabaho niya. 

“Balita ko, problemado ka sa love life ah.” Pang iintriga ni Melai,kasamahan din nila.
“Hindi naman po. Medyo lang.” depensa niya. Ang bilis talaga ng chismis dito.
“Daming lalaki diyan. Huwag ka mag stick sa isa.” Payo nito.
Ngiti lang ang naging tugon niya dito.
“Oo nga, nandito naman si Rowee eh. Single pa ito oh.” Sabat ni Marvin sa usapan.
“Ito rin si Marvin oh. Single pa.” ganting saad ni Rowee.
“Hay nako Chant, kung sa kanilang dalawa lang din naman, mag stay ka nalang as single.” Biro ni Ate Anne.
“Mas maganda yang advice mo ate. Tatandaan ko yan. Promise.” Natatawa nitong sagot.
“Grabe naman to si Ate Anne. Sana bi-nuild up mo nalang kami.” Tutol ni Marvin.
“Magsipag tapos muna kayo. Tsaka na yan. Hindi kayo mauubusan.”
“Pero syempre Ate, mas masarap mag trabaho at mag-aral pag may inspirasyon di ba?”
“edi gawin mong inspirasyon ang mga pangarap mo.”
“Eh pano yun, si Chant ang pangarap ko.” Si Rowee.
“Ayun oh! Hirit na malupit!” nakipag apiran pa si Marvin sa kaibigan.
“Mga adik!” pambabara ni Enchantress.
“Adik sa’yo.” Ganting bara dito  ni Rowee. Nag make face na lamang si Enchantress.
Tawanan ang mga iba pa nilang katrabaho na nakikinig sa kulitan nila.

-O-
Medyo malalim na ang gabi kung kaya’t nagpaalam na si Enchantress sa mga kasama na wala yatang balak umuwi.
“Bye guys. Una na ko.”paalam nito.
“Huwag, bata ka pa!” biro ni Melai.
“Sige ingat ka Chant.” Si Ate Anne, “Rowee, hatid mo naman.”
“Yes boss.” Tumayo na rin si Rowee mula sa kinauupuan. “Shall we?” birong yaya nito kay Enchantress.
“Tseh!”
“Marvin, tara! Hatid natin si Chant sa sakayan” yaya nito kay Marvin. Tumalima naman ang kaibigan.
“Ano ba kayo. Huwag na. Kaya ko sarili ko. Thank you nalang.” Tutol ni Enchantress.
“Okay lang yon. Tara na.” Nauna na si Rowee sa paglalakad.
“Pasensya ka na sa kakulitan namin ha. Gusto ka lang naman namin mapasaya eh.”
“Thank you sa concern Marvin. Pero sana wala na yung ligaw ligaw na biro. Kasi ayoko pa talaga.”
“Okay.” Inakbayan nito si Enchantress. Natawa na lamang ang dalaga. Mukhang wala namang bahid ng malisya ito. Pagtinging kaibigan o kapatid lang talaga ang turing nito sa kanya.
“Chansing na yan ha!” nakangiting puna sa kanila ni Rowee.
“Inggit ka lang!” birong sagot ni Marvin.
Nagulat si Enchantress nang bigla na lang pumagitna ito sa kanila ni Marvin.
“Pre, wala sa usapan yan ha.” Inakbaya nito si Marvin na parang sinasakal.
Natatawa na lamang si Enchantress sa eksena ng dalawang magkaibigan.
“Ang torpe kasi! Baka ligawan ko na talaga yang si Chant.” Inalis nito ang braso ni Rowee sa kanya.
“Marvin, kasasabi ko lang ha!” saway ni Enchantress dito.
“Sorry Chant. Una na ko sa inyo ha. Uwi na rin ako. Bye Chant. Ingat ka. Kayo.” Paalam nito.
“Huy! Sabay na tayo!” habol ni Rowee sa kaibigan.
“Ihahatid mo pa si Chant di ba. Bye!” Tumakbo na ito palayo sa kanila.
“Problema nun?” tanong niya kay Rowee.
“Ewan ko dun. Natakot yata.”
“Bakit naman?”
“Kasi sabi ko huwag kang chansingan eh!”
“Ito naman! Wala namang malisya yun.”
“Kahit na. Nakakaselos kaya.”
“Ikaw? Nagseselos?”
“Hindi. Siya.” Turo ni Rowee sa katabing poste.
Natawa si Enchantress sa biro ng kasama. “Para kang timang.” “Bakit ka naman magseselos?”
“Eh kasi nanliligaw ako sa’yo.”
Nabigla si Enchantress sa narinig. “Huh? Kelan pa? Parang wala naman akong matandaan na pinayagan kita.”
“Ngayon pa lang.”
“Bakit ako?” nagtatakang tanong nito. Ang alam niya binibiro lamang siya ng mga ito para mapasaya siya. Wala sa hinagap niya na seseryosohin nito iyon.
“Kasi ikaw ang gusto ko.”
“Nakakawindang ka naman. Bigla bigla ka nalang magtatapat.”
“Eh kasi nung dinadaan ko sa biro hindi ka naniniwala. Naalala mo nung sumigaw ako ng I love you. Totoo yun.”
“Paanong totoo, eh may  ‘joke lang’ sa dulo.”
“Yun na nga eh. Hindi ko kaya sabihing ng seryoso. Pero kanina nung inakbayan ka ni Marvin, nagselos talaga ako. Kaya hindi na ko magbibiro mula ngayon. Seryosohan na to.”
“Pero Rowee, alam mo naman ang pinagdadaanan ko di ba? Hindi pa ako nakaka move on kay Rr at ayoko pang mainlove ulit. Sana naiintindihan mo ako.”
“Hindi naman ako nagmamadali eh.”
“Sigurado ka? Pero ayokong umasa ka kasi baka masaktan ka lang.”
“Di ba sabi ni Ate Anne, yung mga pangarap  muna natin ang pagtuunan natin ng pansin. Isa ka sa mga pangarap ko eh. Kaya gagawin kitang inspirasyon. Ga-graduate tayo ng sabay.” Nakangiti nitong saad.
“Ikaw ang bahala. Dalawang taon pa yon.”
“Okay lang basta nandito ka lang lagi sa tabi ko.”
“Kahit walang commitment?”
“Hindi naman kailangan yon eh.Ang importante, mahal kita.”
Wala ng nasabi pa si Enchantress. Ngayon lang siya naging speechless. “May bus na. Bye Rowee. Ingat ka pag-uwi ha.” Sumakay na siya sa bus ngunit nagulat siya ng sumunod ito at tumabi pa sa kanya.
“Anong ginagawa mo?” gulat na tanong nito sa katabi.
“Ihahatid ka. Nanliligaw ako di ‘ba?” nakangiting sagot ni Rowee sa katabi na unang araw palang ng pagtuntong nito sa fast food restaurant na iyon ay minahal na niya.


WAKAS.


No comments:

Post a Comment