(Vaughn and Rhapsody)
Paano
mo malalaman kung hindi mo susubukan?
Vaughn is a basketball
superstar. Rhapsody or Raffy is a simple girl having a simple life. Paano nila
malalaman na sila ang meant to be kung todo deny naman sila sa mga tunay nilang
nararamdaman?
-----------------------------------------------------
Ako si Rhaffy. Isang businesswoman. Hindi nga lang big
time. After graduation sa CSL, naisipan kong magpatakbo ng isang computer shop.
Ewan ko, nadala lang siguro ako nung pinagawa kami ng essay nung high school
kung ano ang pangarap namin. At sa bawat essay na gagawin ko about my future
plans, establishing my own business ang laging una sa listahan. Kaya eto,
pinanindigan ko na.
Naitayo ko itong shop mula
sa puhunan ng mga parents ko. Pero nakabawi naman na ako at nabayaran ko na rin
sila.
Ito ba talaga ang gusto kong
buhay? Siguro oo, masaya naman ako ngayon eh. Kahit na madalas ay puro mga
bata na mahilig sa computer games at mga
old maid na mahilig makipag chat sa mga poreynger ang nakakasalamuha ko
araw-araw eh okay lang. Saya kaya nila katrabaho! Lalo na pag ginagalit nila
ako dahil sa mga komosyong nangyayari dito sa loob ng shop ko. Tulad ngayon.
“Pag kayo, hindi pa tumigil,
palalabasin ko kayo lahat!” sita ko sa mga batang makukulit.
“Mamaya na ate Raffy kapag
time na namin,” pilyong sagot sa akin ni Bugoy. Isa sa mga suki kong
pinakamakulit at maingay.
“Tseh! Sasagot sagot ka pa
eh!” bara ko sa kanya.
“Ang sungit naman,” bulong
ng isang bata. Hindi ko siya kilala. Mukhang bagong recruit.
“Ano?!” hindi na siya
nagsalita. Siguro sinasagot nalang ako sa utak nun. “Kung ayaw niyong
masungitan, huwag kayong masyadong maingay. Nakakaistorbo kayo sa mga
nagri-research.”
Di ko alam kung nagri-research
nga ba talaga o nagfi-facebook lang yung mga dalagita sa kabilang side. Ah ewan,
bahala sila!
Kaya lang naman ako nainis
kasi panira sila sa pag mo-moment ko.
“Hay, Vaughn.. Kelan mo kaya
marerealize na ako talaga ang mahal mo?” para akong tangang kinakausap ang
picture niya.
“Patay tayo diyan!” sigaw ng
isang binatilyo.
Napatingin ako sa kanya.
Wala ba talagang pag-asa na magustuhan rin ng isang sikat na basketbolista ang isang katulad ko na patay na patay sa
kanya?
First blood pala ang binatilyong iyon kaya
asar na asar. Mukhang may pustahan sila ng kalaro niya sa Dota.
“Di ba sinabi ko, walang
maingay!” muli kong sita.
“Sorry teh, si Mirana kasi
pasaway!” sagot niya sa akin.
Kasalanan na pala ng
karakter niya ngayon eh samantalang siya ang nagko-kontrol dito.
“Si Nevermore kasi gamitin
mo!”” sigaw ko sa kanya.
“Ngek! Panis naman kay
Traxex yun te!” sagot ng kalaban niya.
“Sabi sa’yo si Sniper nalang
dapat ginamit mo eh!” singit ng isang nakikinood lang.
“Wutever!” bahala kayo sa
buhay niyo. “Wag lang kayo masyadong maingay!”
Yan. Ganito lang ang buhay
ko sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
---------------------------------------------
(An Excerpt from the Novel “After All” by Shinaya Waara. Hehe! : ) )
“Pwede ba kitang ligawan?”
Yun ang salitang paulit-ulit
na tumatakbo sa isip ko. Hindi ko alam kung anong
sigaw o tili ang gagawin ko
sa sobrang kilig ng tanungin ako ni Vaughn nung
araw na ihatid niya ako sa
bahay mula nung bridal shower ni Regine. Ikaw ba
naman ang tanungin ng ganun
ng gwapong gwapo at machong machong crush
mo eh ewan ko lang kung di
ka himatayin sa kilig.
“Hi Miss Prettyful…”
Speaking of crush. Nakatayo
siya sa harapan ko ngayon at may hawak na
bulaklak.
“bakit ka nandito?”
“Manliligaw”
“Seryoso ka ba? Baka naman
trip trip lang yan ah”
“I’ve never been serious in
my life ngayon lang maliban na nga lang sa paglalaro
ng basketball. So when I
asked you kung pwede ba akong manligaw eh seryoso
ako nun”
“bahala ka nga” kunwari’y
sabi ko pero kilig na kilig na ako.
“So okay na? Pwede na?”
“Oo na”
“Tayo na?”
“ha? Akala ko ba manliligaw
ka palang?”
“hehe..baka makalusot lang
naman eh”
Nagulat ako ng bigla siyang
dumukwang mula sa counter area at halikan ako sa
labi.
“pampabuenas..hehe…kita
nalang tayo mamaya Miss Prettyful…practice lang
ako” paalam nito at lumabas
na ng computer shop.
Naiwan naman akong natulala
sa ginawa niya. Wala sa loob na hinawakan ko
ang labi kong hinalikan ni
Vaughn.
Wait….he kissed me!!!
------------------------------
“Ate Raff! Pa extend po sa
PC 5!” sigaw ni Bugoy.
Bwisit! Bwisit! Bwisit!
Panaginip lang pala yon!? Parang totoo. Hay naku naman. Kokonti lang kasi ang
mga customer ko ngayon kaya hindi ko namalayan, nakatulog pala ako.
“Ilang oras?” tanong ko sa
batang makulit.
“15 minutes lang po!” Anak
ng tinapay! 15 minutes lang? Ginising pa ko. Sa 15 minutes na iyon, baka
sinagot ko na si Vaughn sa panaginip ko.
Oh siya, sige na. Wala na
kong magagawa. Extend na kung extend. I love you na talaga Bugoy!
Magsasara nalang ako ng
maaga mamaya para makatulog rin ng maaga at baka sakaling mapanaginipan ko ulit
si Vaughn ko.
Vaughn ko talaga? Okay lang
yan! Wala namang masama mangarap di ba? Libreng libre yon para sa isang katulad
ko. Pero siyempre hindi na ako aasa na magkagusto rin siya sa akin. Isa lang
naman akong hamak na ordinaryo ngunit magandang nilalang.
----------------------------------------
Pagpatak ng ala-sais.
“Magsasara na po ako. Bukas
ka na-” hindi ko na natuloy ang sasabihin ko pa. Tama ba ang ipinapakita sa
akin ng mga mata ko?! Andito na naman sa harapan ko si Vaughn ko?
“Hi!,” bati niya. Sh*t,
pwede na kong mamatay dahil sa pinakawalan niyang ngiti. Teka lang, tsaka na
pala kapag kami na! Haha! Ako ng ilusyonada!
“Oh- ano na namang ginagawa
mo dito?” pagtataray ko kunwari. Mahirap na baka mabuko at malaman niyang patay
na patay ako sa kanya.
“Yayain ka sanang lumabas.
Sakto, pasara ka na pala. Tulungan na kita,” prisinta nito.
“As if naman sasama ako
noh?” ako ng pakipot! Pero actually gusto ko na siyang kaladkarin palabas ng
shop. Masabi lang na lumabas talaga kami. Hehe.
“Ayaw mo?” tanong niya.
Patay! Baka mag back-out! Isip! Isip! Isip ng magandang maisasagot….
(After ten years…..)
“Huy, ano? Sasama ka ba?
Aalis na ako,” akmang lalabas na siya ng pintuan ng shop ko. Pero siyempre
pinigilan ko siya! Sayang ang opportunity noh, palalampasin ko pa ba?
“Sige na! Sasama na ko.
Naiilang kasi ako. First time kong sasama lumabas sa isang lalaki,” totoo to,
promise!
“Ah ganun ba? Don’t worry,
no harm will be done and I assure you this will be very unforgettable for both
of us.” Sabay kindat. Sh*t ulit! Sarap maglampisaw sa sahig sa sobrang kilig.
----------------------------------
Ang
sarap makita ng romantic side ng crush mo. Imagine, dinala niya ako dito sa Manila bay, lulan kami
ngayon ng isang ferryboat na may restaurant sa upper deck, with background
music pa. Todo kilig na talaga toh! As in! Although may ibang tinutugtog yung
mga musikero sa likod namin, ito ang kantang kinakanta ng puso ko ngayon,
Di
ako makapaniwalang
Ikaw
ay nasa aking piling
Di
ako makapaniwalang
Ako’y
iyong hagkan
Kung
ikaw ay isang panaginip
Ayoko
ng magising…………
Thanks Jolina at saulado ko
pa rin ang kanta mo hanggang ngayon. Relate much.
“Are you enjoying?”
nakangiti niyang tanong sa akin.
“Oo naman!” maikli kong
sagot sabay ngiti din ng pagkatamis-tamis. Mas matamis pa sa dessert na
kinakain namin ngayon.
Kasama mo ba naman ang taong
pinagpapantasyahan mo, di ka mag-eenjoy? Hindi naman ako tuod.
“Great!”sabi niya.
“Thank you ha!” ako ulit.
“Of all people, bakit naman ako ang niyaya mong lumabas, eh maraming sikat na
artista o model ang nagkakandarapa sa’yo?” out of curiosity kong tanong sa
kanya.
“Mukha naman kasing mabait
ka at masarap kasama. And besides, we have the same group of friends,” sagot
niya.
Nanlumo naman ako sa napaka
SAFE niyang sagot.
Akala ko, dahil may spark sa
aming dalawa at gusto niya ko kaya niyaya niya akong lumabas.
Sabi sa’yo huwag kang
shu-shunga Rhapsody! Friendly date lang to. Nothing more, nothing less.
“Ah, ok,” ang tipid ng sagot
ko noh. Nakakabasag naman kasi ng puso ang paliwanag niya eh. Sige na, ako ng
mukhang mabait, masarap kasama at we have the same group of Friends. Salamat
kina Aya.
“Sayaw tayo!” yaya niya sa
akin.
“Hah? Sa-sayaw? Tayo?” Kaya
ko namang sumayaw. Required yon dati sa amin nung nasa drama org pa ko nung
college.
“Hindi. Kakanta tayo,”
pilosopo niyang sagot at nagpakawala na naman ng nakamamatay na ngiti.
“Nakakahiya,” yumuko ako.
Nakakainis, for sure halatang halata na ang pag-ba blush ko. Pesteng
foundation, hindi effective.
“Don’t be shy. Tara na!” hinawakan niya ang kamay ko at pinatayo na ako
mula sa kinauupuan ko. We went on the dance floor. Nakakalurkey yung tugtog.
Favorite kong classic song yan! You were
there. Ang sweet talaga! Nung kanta..
“Huwag ka na kasing mag-isip
ng kung ano ano, just enjoy the night,” pagko comfort niya sa akin. Sa sobrang
lapit namin sa isa’t isa siguro nga nararamdaman niyang kinakabahan ako.
“Pasensiya na. First time
eh,” nakakahiya talaga. Para akong naïve.
“Okay lang yan,”
I’ll grab this opportunity
na talaga! Niyakap ko na siya habang sumasayaw kami ng sweet dance. Minsan lang
mangyari toh, lulubusin ko na! Bahala na si Batman!
Naputol ang moment namin ng
biglang mag paulan ng fireworks ang Mall of Asia .
Moment pa rin pala namin ‘to.
Para kaming bata na tuwang tuwa habang
pinapanood ang three-minute fireworks na iyon and it feels like a decade-long.
Nakayakap siya sa likod ko. Super spark talaga!
End of fireworks. Short
circuit. Wala ng spark.
------------------------------------------------
Whattaday! Este whattanight
pala.
Kanina niya pa ako naihatid
dito sa bahay namin. Pero wala yatang balak magpatulog ang aking diwa. Buhay na
buhay pa rin siya at masayang nirerewind sa utak ko ang nangyari four hours
ago.
Hay, Vaughn ko. Magustuhan
mo rin kaya ako? Wala ka naman kasing sinasabi kahit simpleng “Uy, raff, I like
you!” O di kaya, piling ko crush na kita!” Walang ganun. Puro basketball at mga
kaibigan namin ang mga napag-usapan namin. Walang about us.
Sige na nga, hindi nalang
ako mag-a-assume.
Ah basta! Crush ko lang siya
period! Hindi ko siya pwedeng mahalin. Hindi kami bagay.
-------------------------------------
Eto na naman ako. Lutang.
Mahigit isang linggo na siyang hindi nagpaparamdam. Nagpalitan naman kami ng
number. Ni simpleng Hi! Wala. Syempre ayoko namang ako ang unang magti-text.
Baka isipin niya, naghahabol ako sa kanya.
Nagulat ako ng biglang
kumanta si Beyonce sa cellphone ko. Shocks! Tumatawag si Vaughn!
Tuwa.
Gulat. Excitement. Kaba. Tampo? Ang tawag diyan mixed emotions!
Ano, sasagutin ko ba? Sige
na nga. Miss ko na siya eh.
“Hello,” intro ko.
“Hi Raff! Kamusta na. Sorry
ha, busy kasi kami ngayon sa practice. Malapit na ang finals and we need to
fill that spot,” paliwanag niya. Teka! Bakit ba siya nagpapaliwanag? Ano namang
pakelam ko dun, hindi naman kami magjowa.
“Ah, ganun ba? Okay sige,”
walang kabuhay buhay kong sagot sa paliwanag niya.
“Ei, galit ka ba? Sorry na,”
“Ako galit? Hindi ah! Tsaka
hindi mo naman kailangang magpaliwanag sa akin. Hindi mo naman ako girlfriend
eh at wala akong karapatang magalit in the first place. Coz you’re not
committed to me. Kaya okay lang kahit isang dekada kang hindi magparamdam,” Bow.
Ouchness. Hinga hinga din.
Long silence. Mga ten years
din.
“Hello, Vaughn! Andiyan ka
pa ba?” baka kasi nakalimutan niya lang i-off ang cp niya.
“Ha-? Ah, oo nandito pa ko,”
sagot niya. Para siyang may malalim na
iniisip. Natulala yata sa haba ng litanya ko. Ewan ko. Naiimagine ko lang.
“Baka may practice ka pa,
nakakaistorbo na ako,” sabi ko. Pero actually, ayaw ko pang ibaba niya ang
phone.
“Baka nga ako ang
nakakaistorbo sa’yo eh. Sige, babye.” Nawala na siya sa kabilang linya.
May nasabi ba akong hindi maganda? Parang
awkwardness lang ang peg habang nag-uusap kami.
-----------------------------------
As usual day for me. 9 p.m.
kailangan ko na magsara ng shop. Medyo madami ang tao ngayon. Pero ayokong
umaabot sa 10 p.m. Mahirap na baka masita na naman ako kapag maraming nahuli sa
curfew.
“Hi!” bati sa akin ng crush
ko.
“Para
kang kabuti bigla bigla nalang sumusulpot dito sa shop ko,” deep inside tuwang
tuwa na naman ang puso ko.
“Sarado ka na?” tanong niya.
“Obvious ba sa signage na
nakapaskil sa pinto?”
“Dota tayo!” yaya niya sa
akin. Ayos tong kumag na ito ah. Pumunta lang dito para makalaban ako. Sorry.
Pero hindi ko siya uurungan! Ipapakita ko sa kanya ang lakas ni Dark Knight!
“Teka lang, wala ka bang
practice ngayon?” tanong ko.
“Tapos na. Tara
game!”
“Okay. Dun ka nalang sa pc
1. Dito na ko maglalaro sa counter,” sabi ko sa kanya.
“Tabi tayo,” suggestion
niya. Ayokong kiligin. Promise!
“Hindi na. Baka gayahin mo
pa yung tactics ko, diyan ka na lang,” ayoko ngang tumabi sa kanya baka
madistract lang ako at matalo pa.
“Yak! Si Sniper hero mo?!” lait
ko sa kanya. Para kasi sa akin, mahina ang
hero na to. Hindi nga yata hero to eh. Parang wizard lang. Actually, hindi ko
kasi kabisado ang mga gamit niya.
“Yabang! Eh, ikaw?
Nevermore? Sus. Sisiw. Gg ka na!” asar niya sa akin. Sh*t ayokong mapahiya sa
kanya. Mga creeps ko, galingan niyo magpatumba ng tore ha!
“Imba ka ba?” tanong ko sa
kanya. Kinakabahan na ako. Ayokong matalo! Magcheat nalang kaya ako? Huwag.
Unfair.
“Oo naman!” yabang ng mama! Magaling na sa basketball pati
ba naman sa Dota. Ibalato mo nalang sa akin to. Wala naman akong hilig sa
basketball kung di lang dahil sa’yo.
Ngek! Ako ang first blood.
Ang daya! Ang bilis niya maglevel-up. Tapos lagi niya akong hinahabol. Ako
talaga puntirya niya. Kaasar.
“Aw, sorry,” nakangisi pa
siyang tumingin sa akin.
Magcheat na kaya ako?
Makabawi man lang para sa kahihiyan ng base ko.
Bwisit! Pagkabuhay na
pagkabuhay ko, ako na naman pinuntirya niya! Hayz! Sige na, ikaw ng magaling!
“Grabe ha! Bakit mo ba ako
pinag-iinitan?!” napipikon na ako. Thirty seconds na naman akong tengga. Tuwang
tuwa pa ang loko sa reaksiyon ko.
“Hehe. Sige na. Tatantanan
na kita. Yung tore mo nalang!”
Bwisit!
Pag siniswerte ka nga naman.
Ayun talo. Teka lang. Babawi ako.
“Isa pang game!” yaya ko sa
kanya.
“Sure ka? Baka umiyak ka na
niyan,” pang-aasar niya sa akin.
“Hindi noh! Babawi lang
ako,” babawi talaga ako! By all means!
“Okay,”
“Sniper ka ulit?”
“Hindi na, nakita mo na eh.
Iba naman. Podge!”
“Ang ko-corny talaga ng mga
hero mo,”
“Okay lang. Malalakas naman,”
Huh? Duh! Akala mo lang yon!
Kailangan ko ng ilabas ang hidden talent ko. Humanda ka Vaughn ko! Kahit crush
kita, dudurugin kita. (witch laugh) .
“Ako, first blood!? Paano
nangyari yon? Bakit ang kunat mo na kaagad?” takang tanong niya sa akin. (witch
laugh ulit sa utak) I just shrugged my shoulder.
“Susugod sugod ka kasi
kaagad eh ang hina hina mo pa. Pinagbigyan lang kita kanina,” nang-aasar kong
sabi sa kanya. Akala mo ha!
Abala ako sa pamimili ng
gamit para sa hero ko. Hindi ko namalayang tumayo pala siya sa puwesto niya at
sumilip sa monitor ko. Sabay turo sa gold coins ko.
“Ano yan?! Bakit ang dami
niyan?” patay! Nabisto ako.
“Pakelam mo ba?!” depensa
ko. “Bumalik ka na nga sa puwesto mo.”
“Cheater,” ipamukha pa daw
ba sa akin at tumatawa pa siya ha.
“Tseh! Bumalik ka na sa
puwesto mo! Yung mga creeps ko, papunta na sa base mo,”
“Daya,” natatawa nalang din
ako.
------------------------------------
“It’s fun having a fight
with you. Sweet dreams. : )” text niya.
“Yeah, sure. Goodnight.”
Pasafe kong reply.
At dahil all one ang laban
namin kanina. Nilibre niya ako ng ice cream sa Ministop. Although maraming
nakatingin sa amin kanina, kiber lang. Deadmacomatose ang drama. Siguro iniisip
nila, PA niya ako. Pakelam ko ba sa kanila. Basta ako, maganda ako! Syempre
happy din. Nawala na ang tampo ko ng hindi siya magparamdam sa akin ng isang
linggo. Wow ha. Girlfriend? Assuming lang.
--------------------------------------
“Nood ka ng game ko sa Sabado,” yaya niya sa
akin. Andito na naman siya sa shop. Para ngang
nasasanay na ako na bigla bigla nalang siyang sumusulpot dito. Buti na nga
lang, wala ng mga humahabol sa kanya. Don’t worry handa ko naman siyang itago
ulit. Sa loob pa ng mini skirt ko. Haha!
Sasama ba ako? Baka magmukha
na naman akong PA niya. Lakas ng imagination ko noh? PA kaagad, hindi ba
pwedeng girlfriend nalang?
“Ano? Sama ka ha?”
“Si-sige. Kaso Vaughn,
nahihiya ako.” Nag-aalangan ako. Kasi siyempre, madaming fans niya ang
manonood. Kapag nalaman nila na sinama niya ako. Baka okrayin nila ako.
“Don’t worry. Akong bahala
sa’yo,” pagbibigay niya ng assurance sa akin. Bahala na si Batman kamo.
-----------------------------
Dumating ang araw ng game. Mukhang
inspirado naman siya. Ang dami niyang shoots. Kahit na puro two points ang
karamihan, okay lang. Panalo naman sila. Kasali na sila sa Finals! Ang galing
talaga ng mahal ko! Teka! Wait! Taka lang! Mahal ko? Mahal ko na siya? Crush
lang yon ah! Rhapsody, wake up! Hindi mo siya pwedeng mahalin!
“Wala bang congrats diyan?!”
hindi ko namalayan, nakalapit na pala siya sa akin.
“Co-congrats, Vaughn! Galing
mo. Ganda ng laban.”
“Thanks. Tara !
This calls for a celebration,” hinila na niya ako palabas ng astrodome.
“Vaughn!” tumitiling sabi ng
mga grupo ng kababaihan na sumalubong sa amin. Mukhang kanina pa siya
inaabangan ng mga ito.
“Papicture naman! Galing mo!
Congrats!” sigaw pa ng isa. Makasigaw naman, wagas. Eh nasa harap naman niya
kami. Kami? Para ngang hindi na ako
nag-eexist. Naging ultimate invisible ako sa harap ng mga tagahanga niya.
(After 20 years. Maiba lang)
“Sige, alis na kami ha!
Salamat sa pagsuporta!” paalam niya sa mga fans niya.
“Sino siya?” tanong ng isang
froglet.
“PA mo? In fairness, maganda
siya!” sabi pa ng isang mas froglet! Sige na, ako ng magandang PA!
“Girlfriend ko siya. Bye!”
Umalis na kami at derecho sa kotse niya.
“Huwag ka ng lumingon. Baka
lasunin ka pa nila ng tingin,” sita niya sa akin. Mukhang na shock ang mga fans
niya. Nagjowa siya ng isang PA. Headline
to bukas.
Pagdating sa bahay.
“Good evening po, tita!”
bati niya sa mommy ko.
“Good evening din Vaughn.
Ganda ng laro niyo kanina ha. Sana
maging champion kayo,” sagot ni Mommy.
“Thank you po,” nakangiti
niyang tugon.
“Sige na. Umuwi ka na!”
pagtataboy ko sa kanya.
“Galit ka ba? Masama ba
pakiramdam mo?” Nasira na kasi mood ko. Hindi na rin ako pumayag na
magcelebrate kasama siya. Kung gusto niya, magcelebrate siya mag-isa.
“Oo,” sagot ko.
“Huh?!”
“Masama pakiramdam ko,”
sakit kaya sa puso nun. Sabihin ba namang girlfriend ka eh hindi nga siya nanligaw.
“Pasensiya ka na,” tumalikod
na si Vaughn.
“Siyanga pala,” muli siyang
humarap. Nagpakawala na naman ng isang matamis na nakamamatay na ngiti.
Labanan mo ang sumpa,
Rhapsody! Kaya mo yan. Be brave! And please wake-up. Ito ang reality. Hindi
pwedeng maging kayo. Sikat siya, simple ka lang. Ni hindi mo nga alam kung
gusto ka rin ba niya eh. Pinagpanggap ka lang niya kanina para tantanan na siya
ng mga fans niya.
“Huwag ka ng pupunta sa shop
ko from now on. Huwag ka na ring magti-text,” I declared ceased romance.
“Bakit? May nagawa ba ako?” takang tanong
niya.
“You lied,”
“I’m sorry. It was just
that…” parang hindi na niya alam ang sasabihin niya.
“Don’t make me pretend your
girlfriend again,” tumalikod na ako sa kanya. Ayokong makita niyang nasasaktan
ako.
Asa pa ako.
-----------------------------------------
“My God! Mukha kang zombie!”
ang ganda ng bati sa akin ni Aya. Nagkita kami sa isang restaurant. Since wala
naman akong ginagawa, pinaunlakan ko na siya.
“Thanks for the compliment!”
kulang ba ang foundation at concealer na nilagay ko?
“May problema ka ba?” tanong
niya sa akin.
“Ako? Wala,” deny ko pa.
Actually, ilang linggo na rin akong may sleepless nights. Simula ng hindi na
nga talaga siya nagpakita sa akin, parang nawalan na ng saysay ang buhay ko.
“Weh?” for sure di siya
naniniwala sa akin.
“Meron pala. Yung mga bills
ko sa shop. Di pa ko nakakapagbayad. Mamaya nalang siguro after natin
kumain.” I flashed a fake smile on her. Sana effective.
Tinitigan niya ako ng
matagal. Napayuko nalang ako at tinignan ang hipon sa plato ko. Kawawang hipon,
wala ng laman.
“Come on, tell me. Friend
ako. Baka sakaling makatulong.” Kinindatan niya ako.
Hays. No choice. Sige na
nga.
“Si Vaughn kasi….” And the
story begins.
(after 48 years ng
pagkukwento….)
“Kaya yon, sabi ko sa kanya,
huwag na siyang magpapakita sa akin.” I conclude.
“Namimiss mo siya?”
Nahihiya akong tumango sa
kanya.
“Hindi na ako nagtataka.
Tama si Lance sa theory niya,”
“Huh?” anong theory?
“You just have the same
feelings, girl! Kumbaga, nasa in denial stage kayo ngayon.”
“Parang hindi naman,”
“Sabi pa nga ni Lance,
madalas daw uminom si Vaughn at mukha na ring Zombie. Ehem, just like you. Para kang ligaw na kaluluwa,” natatawa nitong asar sa
akin.
“Hindi naman ako naglalasing
ah. Teka. Bakit siya umiinom? May laro pa yun sa basketball ah. Finals week
pa,”
“See who’s concern now,”
tinaasan pa ko ng kilay ng maganda kong kaibigan.
“Wutever. Una na ko sa’yo
Aya. Thanks for the treat and don’t you dare say it to anyone,” hinalikan ko na
siya sa pisngi.
“Say what?” maang maangan pa
siya.
“My deepest secret.”
“Meron ba? Wala akong
maalala.”
“Very good. That’s my girl.
Bye!”
Paglabas ko ng restaurant na
iyon dali dali kong nilabas ang telepono ko at ewan ko ba kung anong klaseng
ispiritu ang sumanib sa akin at tinawagan ko ang lalaking pinakamamahal ko. Huwwaatt!
Pinakamamahal na talaga?! Sige na nga. Aamin na ako. Oo na. Narealize ko lang
yan, these past few days. Nung mga panahong hindi na nga siya nagparamdam sa
akin. Sobra ko siyang namimiss. Pinagkakasya ko nalang ang sarili kong panoorin
siya sa tuwing may laban siya. Mukha namang hindi siya affected. Ang ganda pa
rin ng mga laban niya eh. Pero, sabi ni Aya, lagi itong nag-iinom sa bar ni
Jake. Bilang nagmamahal ng wagas, wala namang masama kung mag-alala ako di ba?
Hindi naman ako umaasa na masusuklian ang pag-ibig na alay ko. Weh?
Nagpapalpitate na ako. Ring
palang yan ng cellphone niya ha! Paano pa kaya pag sinagot na niya. Huwag mong
sagutin, please! Huwag mong sagutin! Hindi, sige. Sagutin mo na lang pala.
“He-hello Raf?” Sh*t! I miss
that voice. Lalo na ang may-ari ng boses na iyon.
Anyway, back to my business
kung bakit ako tumawag sa kanya.
“Hoy, Vaughn! Ano tong nababalitaan
ko na lagi ka ng nagbababad sa bar ni Jake para lang maglasing? Hah?! Alam mong
may laro ka at masama sa’yo ang may alcohol sa katawan kapag naglalaro,
ginagawa mo pa rin!” teka lang, ba’t para akong naging isang asawang nagger? Hindi ko nature toh!
Dead air. Long silence.
(After 10 years ulit)
“Vaughn?” medyo mahinahon na
ang boses ko. Nasabi ko naman na ang pakay ko sa pagtawag sa kanya eh.
“Raff? Ikaw ba talaga yan?”
“Hindi ako si Raff. Ako si
Rhapsody. Malamang ako toh, ano ka ba?”
“Nagulat lang ako. I mean
surprised.”
“Huwag ka ng iinom ha!” wow,
girlfriend na pinagbabawalan ang boyfriend lang ang peg.
“Okay, sige.”
End of conversation. Yun
lang yun.
----------------------------------
(Last na to promise! : )
Nasa bahay ako, actually sa
kuwarto ko at kasalukuyang tinitignan ang profile ni Vaughn sa facebook sa pc
ko. Walang namang bago. Ganun pa din. Puro post ng fans ang karamihang
nakapaskil sa wall niya. Immune na ako.
“Nak, may bisita ka,”
imporma sa akin ni Mommy. Whoever it is, mas importante ang mukha ng lalaking
mahal ko kaya hindi pa ako nag-abalang tumayo, lumabas ng kuwarto at harapin
kung sino man yon.
“Sino daw, Ma?” tanong-sigaw
ko na hindi pa rin lumilingon sa may pinto.
“Profile ko yan ah,”
Goosebumps all over my body! Nasa likod ko na pala ang may-ari ng fb profile na
pinagnanasaan ko.
“Ha-ha! Tinignan ko lang.
Masama ba?! Pasensiya na ha, fan mo rin kasi ako,” depensa ko mula sa
pagkapahiya. “Anong ginagawa mo dito? Di ba sabi ko, huwag ka ng magpapakita sa
akin?”
“I just remembered, ang sabi
mo sa shop lang. Hindi naman dito sa bahay mo at sa kuwarto mo.” May pilyong
ngiti pa siya na pinakawalan.
“Paano ka nakapasok dito?”
Binebenta na ba ako ng nanay ko? Mukha na ba akong old maid? Hindi pa naman
lumalagpas sa kalendaryo ang edad ko ah.
“Umakyat sa hagdan, binuksan
ang pinto at humakbang palapit sa’yo,” pilosopo niyang sagot. Very good talaga.
“So, anong balak mo?”
“Huwag kang mag-alala, wala
akong balak na masama. Tsaka na lang kapag asawa na kita,” sabay pa kaming tumingin
sa kama ko. Nakakainis! Malamang halatang
halata na ang pagba-blush ko. Wala akong make-up na suot ngayon. Buti nalang
naka-bra ako. Madalas kasi kapag nandito ako sa loob ng kuwarto, hindi ako naka-bra. Teka,
anong relevance? Hay nako! Kung anu-ano na ang tumatakbo sa isip ko.
May naabsorb ako sa mga
sinabi niya, “Asawa?!”
“Oo. Liligawan muna kita
para maging official na kitang girlfriend and then eventually asawa,” seryoso
nitong pahayag.
Nanaginip ba ako? Ako?
Liligawan ni Vaughn ko? Totoo ba ito?
“Bakit mo ko liligawan?”
tanong ko. Malay ko ba kung trip niya lang.
Hinila niya ako paupo sa kama ko, umupo rin siya. Magkaharap kami. Eye to eye.
“Sa-sabi mo wala kang
masamang balak?” Okay lang! Willing naman akong tanggapin kung ano man yon! By all means! Hehe.
“Shut up and listen! Minsan
ko lang sasabihin to at huwag na huwag mo ng ipapaulit sa akin, unless I want
it to,”
I shut up nga.
“Mahal kita, Raff. I don’t
know when I realized it pero lagi na kitang namimiss at masaya ako kapag kasama
kita. Ayoko ng maging torpe baka kasi mawala ka rin sa akin tulad ni Mhadz
noon.” Shocked ako. I swear. Kaso ayoko lang mag-react, sabi niya kasi Shut up
eh.
(After 10 years.. suking
suki si 10 years. )
“Ano?” tanong niya sa akin. “Hindi
ka na nagsalita. Say something.”
“Sabi mo shut-up,”
“But not forever, ano ka
ba?!”
“Okay,”
“Okay, what?”
“Pumapayag na akong
magpaligaw sa’yo. May isang pabor lang ako na hihingiin sa’yo.”
“What is it?”
“Pwede bang, from now on.
Say what you really feel para hindi na ako nangangapa?”
Dinala niya ang kamay ko sa
kaliwang dibdib niya. Shocks! Ang tigas ng muscle niya. Ang sexy ng mahal ko.
“Kapain mo. Ikaw ang laman
niyan.”
Touched naman ako.
We kissed. This time, hindi
na to panaginip. ♥
End… : )
No comments:
Post a Comment