Wednesday, November 1, 2023

Finding Emhara (Day 1/30 of #NaNoWriMo Challenge 2023)

 



Day 1/30: #𝗡𝗮𝗻𝗼𝘄𝗿𝗶𝗺𝗼𝗯𝘆8𝗟𝗲𝘁𝘁𝗲𝗿𝘀 #𝗡𝗮𝗻𝗼8𝗟 #𝗡𝗼𝘃𝗲𝗹𝗹𝗮𝗖𝗵𝗮𝗹𝗹𝗲𝗻𝗴𝗲8𝗟


Finding Emhara: Unsent Letters For My Love

Chapter 1 – Unsent Letter # 1

              UMAKYAT si Aleia sa attic ng kanilang bahay dahil naisipan niyang i-donate na ang mga luma niyang laruan sa isang outreach program na sasalihan niya. Sa katapusan ng buwan ay pupunta sila sa Zambales para magbigay saya sa mga kabataan ng isang Aeta community doon.

Marami siyang naitabing laruan na maayos pa naman at maaari pang mapakinabangan.

“Saan ko ba nilagay ‘yon?” Tanong niya sa sarili habang abala sa pagbuklat ng mga kahon sa kanilang storage room. “Nandito lang ‘yon eh… Ayun!”

Ngunit bago niya matunton ang isang makulay na karton na pinaglalagyan ng mga luma niyang laruan ay isang maliit na latang kahon ang pumukaw ng kanyang atensyon. Bago sa kanya iyon. Kulay kahel ang lalagyan. Binuksan niya ang delatang kahon at bumungad sa kanya ang isang bungkos ng mga liham. May mga numerong nakasulat sa ibabaw ng bawat liham. Sunod-sunod iyon.

“What’s this?” Kunot-noo niyang tanong sa sarili. Hindi na niya napigilan ang sarili at tuluyan na niyang pinakialaman ang mga sulat.

Nawala na ang atensyon niya sa totoo niyang pakay sa kanilang bodega. Lumabas na siya ng silid bitbit ang mga sulat. Balak na niyang dalhin ang mga iyon sa kanyang silid upang doon basahin isa-isa. Wala siyang pakialam kung kanino ang mga iyon. Mas gusto niyang punuin ang kanyang kuryosidad.   

Wala siyang kasama sa kanilang bahay nang mga sandaling iyon. Mamaya na lamang niya tatanungin ang kanyang ama tungkol sa mga liham na iyon.

Dalawa lamang sila ng kanyang ama ang magkasama sa bahay. Wala na ang kanyang ina dahil bata pa lang siya ay ‘out of the picture’ na ito sa kanilang buhay.

 

Ngunit bago pa siya makarating sa sarili niyang silid ay isang lalaki ang gumulat sa kanya. Sa tantiya niya ay kaedad niya lamang ito.

“Hoy! Sino ka?” Singhal niya dito. “Lumayas ka sa pamamahay namin! Magnanakaw ka!” Pananaboy niya pa rito. Muntik pa nga niyang ibato sa lalaki ang hawak niyang de latang kahon na naglalaman ng mga sulat.

Ngunit nasalag ng lalaki ang ibabato niya sana rito.

Hinawakan ng lalaki ang kanyang mga kamay at nagpumiglas siya. “Ha! Anong gagawin mo sa akin?!”

Natitigan niya nang mabuti ang itsura nito. Mahirap na at baka makatakas pa ito, mabuti nang maaninag niya nang maayos ang itsura nito at ma-ireport sa mga pulis.

Matangos ang ilong nito, mahahaba ang mga pilik mata at medyo pahaba ang hugis ng mukha ng lalaki.

May kakapalan din ang mga kilay nito at maamo kung tumingin ang mga mata. May nakakahawig itong mga mata, hindi niya lang maalala kung sino.

Mapusyaw na rosas ang kulay ng mga labi nito at tama lamang ang proportion nito sa hugis ng kanyang mukha.

Masasabi niyang may laban ang itsura ng lalaki sa mga schoolmate niya noong college na pinangsasalang nila sa Mr. Campus.

Pero hindi siya dapat malinlang sa maamo at guwapo nitong itsura! Isa pa rin itong trespasser at posible pang magnanakaw sa loob ng kanilang bahay.

Paano ba ito nakapasok?

Nakalimutan ba niyang i-lock ang kanilang main door?

Wala kasi ang daddy niya. May dinalaw itong kaibigan.

 

“Magnanakaw ka! Bitiwan mo ako!” Pagpupumiglas niya.

Sumunod naman ito at pinakawalan siya. “Umayos ka nga.” Mahinahong turan ng lalaki. “Boarder niyo ako. Nakalimutan mo na naman.”

 

Kumunot ang noo niya. Hindi niya maalala. “Boarder?”

 

“Oo. Matagal na. Diyan yung kuwarto ko. Sa tabi ng kuwarto mo.” Flat ang tono ng lalaki at umalis na ito sa kanyang harapan at nagtungo na nga ito sa sinasabi nitong ‘kuwarto’.

 

Agad niyang tinawagan ang kanyang ama. “Dad, sino yung lalaki dito sa bahay?” Pagalit pa nga ang tono niya. Nakalimutan niyang ama ang kausap at nataasan pa niya ito ng boses. “Sino ‘to? Kilala mo ba ‘to? Baka magnanakaw ‘to! Boarder daw natin siya.”

Kalmado ang naging pagtugon ng kanyang ama. Matagal muna itong nanahimik bago sagutin ang sunod-sunod niyang mga tanong.

“He is our boarder. Matagal-tagal na rin.”

“Paanong hindi ko alam?”

At sinabi na nga ng kanyang ama ang buong detalye sa kanya.

“Uhmm. Okay.” Iyon na lamang ang naging tugon niya sa naging mahabang eksplanasyon ng ama. Matiyaga nitong ipinaliwanag ang kondisyon niya. Mayroon siyang short-term memory loss o STML kaya naman may mga bagay siyang nakakalimutan.

“Nakalimutan mo na naman.” Alam niyang nakangiti sa kabilang linya ng telepono ang kanyang Daddy.  Mahahalata sa tinig nito at mukhang napapailing na lamang ito sa kanya.  

“Whatever, Dad! You know my condition. You should have always reminded me of the things I always forget.”

“Uhmm…Okay. I love you. In case you don’t remember.” Marahang tumawa ang ama.

“Dad! Of course, I know that!”

“Okay, ingat ka diyan. I’ll be home before 10 p.m.” Pagpapaalam ng kanyang ama.

“‘Kay. Love you too!” Binaba na ni Aleia ang telepono at nagtungo sa silid ng kanilang boarder. Kumatok siya rito at binuksan naman ng lalaki ang pinto. “I’m sorry. I already know who you are. Nasabi na ni Dad.”

Ikinibit lang ng lalaki ang mga balikat nito at muli ng isinara ang pinto.

“Sungit!” Bulong ni Aleia.

Tumungo na siya sa kanyang kuwarto. Napatingin siya sa hawak niyang sisidlan. Naalala niyang may gagawin pa pala siya. Umupo siya sa kanyang kama at binuklat ang unang liham at sinimulan na nga niyang basahin iyon.  


No comments:

Post a Comment