Thursday, October 15, 2015

Sa Puso ng Tondo (Maikling Kwento)



Ang oras ay ala-singko ng umaga. Bagamat inaantok pa ay pilit nang bumangon si Annie mula sa pagkakahiga sa malambot niyang kama. Araw ng Linggo at dapat sana ay ito rin ang araw ng kanyang pamamahinga.

Ngunit isang kaibigan ang nagyaya sa kanya na sumama sa lupain ng Tondo- na isang bahagi ng Kamaynilaan.
May isang organisasyon ang lingguhang nagsasagawa roon ng libreng pagtuturo at pagpapakain sa mga batang kapus-palad at naakay siya ng kaibigang si Yumi para maranasan ang ganung klase ng aktibidades sa unang pagkakataon. Napapayag siya ng kaibigan dahil wala rin naman siyang ibang gagawin sa araw na iyon maliban sa matulog maghapon. Pumapasok siya sa opisina mula Lunes hanggang Sabado at ang araw ng Linggo ang kanyang pahinga kung saan wala siyang ibang ginagawa kundi ang bumawi ng tulog.
Alas syete ng umaga nang makumpleto ang grupo sa napag-usapang tagpuan, at iyon ay sa Recto. Ang iba sa mga lumahok ay mga estudyante at ang iba naman ay katulad nila ni Yumi na nakatapos na ng pag-aaral at nag-ta-trabaho na. Patungo na silang lahat na nasa mahigit tatlumpo ang bilang sa lugar kung saan sila boluntaryong magtuturo at magpapakain sa mga bata.
 Mula sa aspaltong lupa na kanilang nilalakaran kanina ay naging maputik na ito nang makapasok sila sa balwarte ng Helping Land-ito ang pangalan ng komunidad na kanilang sadya. Itim ang kulay ng putik na kanila nang nilalakaran. Na sinamahan pa ng mga hindi kaaya-ayang amoy at itsura sa paligid. Ito ang unang pagkakataon na nakatapak sa ganoong klase ng lugar si Annie. Nasanay siya sa malinis at maaliwalas na paligid. Medyo nakakaalwan ang kinagisnan niyang buhay at hindi niya sukat akalain na may ganito pa palang klase ng lugar sa Maynila. Sa kabila ng modernisasyon at mga nagtataasang gusali sa Kalakhang Maynila ay mga nagkukubli pa pala na ganitong klase ng lugar. Hindi yata isang komunidad ang pinapasok nila kundi isang malaking tambakan ng mga basura. Ang kulay puti niyang sapatos ay unti-unti ng nagiging itim dahil sa nilalakaran nilang malambot na lupa. Bawat bahay na kanilang nadaraanan ay halatang gawa lamang sa mga hindi katibayang materyales at sadyang kayliliit. Mababakas ang karukhaan ng bawat residente na naninirahan dito. Marahil ito nga ang isang mukha ng Maynila.
Ang mga bata na nakadungaw sa mga pinto at bintana ay malaki ang pagkakangiti na tila ba masaya ang mga ito sa kanilang pagdaan. Bagamat kayrurungis ng mga bata ay tumatagos sa kanyang puso ang mga pagbati na kanilang natatanggap mula sa mga ito.
"Hello, teacher!"
 "Hi!”
"Hello!”
Masasayang bati ng mga ito sa kanila na sinasabayan pa ng pagkaway.

 "Hello din!" Masaya rin naman niyang tinutugunan ang pagbati ng mga ito.
 Bahagya siyang nagulat nang may isang paslit ang bigla na lamang humawak sa kanyang kamay at sumabay sa kanilang paglalakad. Wala naman siyang balak na bumitaw dito bagkus ay natuwa pa nga siya dahil napili siya nitong sabayan. Sa pagkakadaiti ng kanilang mga palad ay tila ba naramdaman niya na uhaw sa pagkalinga ang bata. Mukha rin itong masaya pagkakita sa kanya na para bang ngayon lamang ito nakakita at nakahawak ng isang tao.
Lalaki ang bata at sa hinuha niya ay maaaring nasa limang taong gulang pa lamang ang edad nito. Kagaya ng mga bata na una niyang nakita ay marungis din ito. Gula-gulanit ang suot nitong sando at short. Itim na itim ang mga kuko nito at mas maitim naman ang mga paa nito na walang sapin. Hindi nito alintana ang napakaputik na daan at tila ba sanay na ito sa paglalakad doon.

 "Bakit wala kang tsinelas?" Hindi niya napigilang maitanong sa batang kahawak-kamay niya.

"Wala po akong tsinelas." Sagot ng bata at lihim niyang ipinangako sa sarili na bibilhan niya ito.
Gasino ba naman ang isang pares ng tsinelas kumpara sa libong sinasahod niya bilang bisor ng isang pribadong kumpanya? Oo, nahahabag siya sa bawat eksena na kanyang nasasaksihan. Sa mga residente ng Helping Land at lalo na sa mga bata. Hindi malayong lapitin sa iba't ibang klase ng sakit ang mga nakatira dito at malamang rin na ang karamihan sa kanila ay walang makain.

"Kasali ka sa mga tuturuan namin?" Muli niyang tanong sa bata.

"Opo!" Masaya at puno ng enerhiya nitong sagot.

 "Kasi pagkatapos namin matuto, may libre pang pagkain. Kaya sumasali po ako."

"Bakit hindi ka pa naliligo? Kasi para kayong papasok sa eskwelahan kaya dapat maglilinis muna ng katawan bago pumasok."

 "Wala pa po kaming tubig." Hindi na siya nakasagot. "Wala din po kaming pagkain. Ay meron po pala, pagpag lang." bumakas ang lungkot sa marungis na mukha ng musmos.

"Ano'ng pagpag?" Wala siyang ideya kung ano ang tinutukoy nitong klase ng pagkain.

 Itinuro ng bata ang isang matanda na nakaupo sa isang sulok ng bakuran ng bahay nito. Abala ang matanda sa paghalukay ng isang malaking supot na sa tingin niya ay mga pinaghalo-halong tira-tirang pagkain ang laman. Isang buto ng manok ang pinapagpagan nito na tila inaalisan ng mga nakakapit na mga kanin.
Hindi niya ipinahalata ang pinaghalong pagkabigla at pagkamangha sa nakikita.

 "Ah. Yan pala ang pagpag." Naaalala niya ang mga pagkakataon na kumakain siya sa mga restawran. Madalas ay hindi niya nauubos ang kanyang pagkain at iniiwan na lamang niya ito sa mesa. Maaaring dito sa Helping Land pala napupunta ang mga pagkaing itinatapon ng mga taong katulad niya na may kakayanang makakain sa mga sikat at mamahaling restawran. Alam niyang ang pagkain ng pagpag ay hindi maganda. Dahil maaaring panis na ang mga ito at nababalutan na rin ng iba’t ibang klase ng mikrobyo na maaaring magdulot ng masama sa katawan.
Nang marating na nila ang lugar na nagsisilbing isang malaking silid aralan para sa mga bata ay bumitaw na sa kanya ang batang lalaki. Nakipila na rin ito sa hanay ng mga batang sa tingin niya ay kanilang tuturuan para sa umagang iyon.


Limang bata ang itinalaga sa kanya para turuan at ang mga ito ay nasa ika-apat ng baitang sa elementarya.
Abala sila sa pagkukulay ng mga drowing na nasa papel ng bawat isa nang bigla na lamang mag-kwento ang isa sa mga estudyante niya na si Sarah.

“Alam mo ba Teacher Annie, iniwan na kami ng nanay ko.” Panimula nito.
Bahagya mang nagulat ay mataman siyang nakinig sa kwento ng bata.

“Bakit niya kayo iniwan?”

“Kasi po may iba na siyang asawa.”

“Sino nang nag-aalaga sa inyong magkakapatid?” Nalaman na niya mula rito na apat silang magkakapatid.

“Si Tatay ko po. Patay na po yung dalawa kong kapatid. Isa nalang po ang natira. Bale dalawa nalang po kami. Ako po yung nag-aalaga sa kanya kapag nagbebenta ng ice cream si Tatay.”

Mas lalo siyang napuno ng kuryosidad sa kwento ng buhay ni Sarah. “Bakit namatay ang mga kapatid mo?”

“Yung si Kuya ko po namatay sa ospital dahil daw po sa inspeksyon tapos iyong isa ko pong kapatid, bigla nalang nagkasakit kaso wala kaming pampadoktor kaya namatay nalang po siya.”

Hindi na alam ni Annie kung ano pa ang magiging reaksyon sa kwento ng bata. Sa mura nitong edad ay marami na itong pinagdaraanan sa buhay. Naikumpara na naman tuloy niya ang naging buhay niya sa buhay nito sampu ng iba pang mga bata. Sadyang napakapalad niya pala sa pagkakaroon ng medyo may kaginhawahang buhay. Samantalang noon ay madalas pa siyang magreklamo sa kanyang mga magulang kapag may mga bagay siyang hindi nakukuha.

“Yung bago pong asawa ng nanay ko, nagtutulak po iyon ng droga. Dati nakikita ko po sila ni nanay na parehong gumagamit non.” Dagdag pa nitong kwento.

Hinawakan niya sa kamay ni Sarah, “ Basta huwag mong tutularan yon ha. Kahit iniwan na kayo ng nanay mo, magsikap ka pa rin sa pag-aaral.” Payo niya dito. “Huwag mong pababayaan ang isa mo pang kapatid at magpasalamat nalang tayo kay Papa Jesus dahil nandiyan pa si Tatay para alagaan kayo.”

Tumulo ang mga luha sa mata ni Sarah at mas lalo lang din siyang nakaramdam ng habag para sa bata. “Nangako po yon si Nanay sa akin na ibibili niya daw po ako ng damit nung birthday ko at tsaka po kakain kami sa labas pero hindi naman po niya tinupad.”

Pati siya ay naluluha na rin ngunit pinipigilan lamang niya. Kailangan niyang maiparating sa bata na dapat itong maging matatag sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan nito. Niyakap niya si Sarah at pinatatahan.

“Hayaan mo sa Pasko, ako nalang ang magreregalo sa’yo ng damit. At kakain rin tayo sa labas. Basta ipagpatuloy mo lang ang pag-aaral. At isipin mo lang na dapat paglaki mo ay matupad mo ang mga pangarap mo at mabili mo gamit ang sariling pera lahat ng bagay na kailangan mo. Sa ngayon, ang tangi mo lang magagawa ay mag-aral ng mabuti hangga’t may pagkakataon ka. At syempre ang magdasal. Kahit wala na si nanay, andyan pa naman si tatay. Alagaan niyo ang isa’t isa. Pati na rin si kapatid.”

“Teacher Annie, sana po makaalis nalang ako dito.”

“Paglaki mo Sarah, pagsikapan mo yan na magkaroon ng magandang buhay para makaalis ka dito.”

Sa pag-alis ni Annie sa lugar na iyon ay mayroon siyang naiuwing kwento sa kanyang puso at sinigurado niya sa kanyang sarili na babalik siya sa susunod na linggo upang muling makapiling ang mga batang uhaw sa karunungan, sa pagmamahal at sa pag-aaruga.


Sa pagdating ng sumunod na Linggo ay muli nga siyang bumalik sa Helping Land. Nilapitan niya ang isa sa mga una niyang naging estudyante. “Miko, bakit wala si Sarah ngayon?” tanong niya dito.

“Kinuha po siya ng nanay niya kahapon teacher. Isinama po siya sa Batangas.”
Napatango na lamang siya at lihim na ipinagdarasal na sana ay nasa mabuti itong kalagayan. Natupad ang hiling ni Sarah noong isang linggo. Ang makaalis sa lupain ng Tondo. Sana nga lang ay gabayan at protektahan ito ng Maykapal. Sabik si Sarah na matuto. Sampung taon na ito ngunit may kabagalan pa itong magbasa sa Ingles. Balak niya sana itong tutukan doon.
“Hindi bale, marami pa namang bata ang gusto ring matuto.” Aniya sa kanyang sarili.


Marahil ngayong araw ay may panibagong kwento na naman siyang maririnig kasabay ng pagbabahagi niya ng kaalaman sa mga batang ito.




WAKAS

No comments:

Post a Comment