"Sana kayanin mo ang buhay
na wala ako. Hindi ko sinasadya ngunit may mahal na akong iba. Patawad."
Ilan lamang ito sa mga salitang
bumasag sa aking pusong isang Biyernes ng gabi. Nawasak ang buong mundo ko nang
marinig ko ang mga salitang ito mula sa bibig mismo ng taong pinakamamahal ko.
Pitong taon. Pitong taon ng buhay ko ay inialay ko sa kanya kasama na ang buo
kong puso. Sinong babae ang hindi iiyak ng sobra at lubos na masasaktan kapag
nasabihan ng ganitong mga kataga mula sa isang lalaki? Sa isang lalaki na
inaasahan na niyang makakasama niya habambuhay? Nakaplano na ang lahat ng para
sa kinabukasan namin ngunit nasira ito dahil sa pagdating ng isang bagong babae
sa buhay niya. Pinili niyang tigilan na ang pagmamahal sa akin at ituon ang buo
niyang atensyon sa babaeng iyon na kasamahan niya sa trabaho. Lubos ang naging
pagtitiwala ko sa kanya. Marami na kaming pinagdaanang pagsubok at nalampasan
naman naming lahat iyon. Ngunit ngayon nga ay naging mahina na siya at
nagpadarag sa isang panibagong pagsubok na sumubok sa aming pagsasama.
"Hindi ko kaya, Aries.
Hindi ko kaya ang mawala ka sa buhay ko." Ang siyang naging tugon ko sa
mga masasakit na salitang sinabi niya. "Mahal na mahal kita."
Tumatangis kong wika habang yakap siya ng mahigpit.
Ang gabing iyon na pala ang huli kong
pagkakataon na makapaloob sa kanyang mga bisig na sa tuwina ay nagbibigay
komportable sa akin.
Makalipas ang isang linggo ay
nagtungo kami ng aking mga kaibigan sa Ilocos upang magbakasyon. Tatlong araw
kaming mananatili roon. Lilibutin namin ang bawat magagandang lugar na
matatagpuan sa Ilocos Sur at Ilocos Norte. Tamang-tama para sa akin ang
bakasyong ito upang makalimot at mapaghilom ang sugatan kong puso. Salamat sa
mga kaibigan ko na siyang dumamay sa akin. Lima kaming magkakaibigan at lulan
kami ng isang van. Alas nwebe ng gabi nang lisanin namin ang Kalakhang Maynila.
Mahigit walong oras ang aming binyahe patungong Ilocos at ang lugar na aming
unang narating ay ang Vigan. Paputok pa lamang ang araw at kakaunti pa lamang
ang mga turista nang dumating kami. Tila ba bumalik kami sa lumang panahon
dahil sa mga nakahilerang istraktura sa Calle Crisologo. Bawat tahanan o
establisyamento na aming madaraanan ay nasa modelo pa ng panahon ng mga
Espanyol. Doon na rin kami nag-almusal at matapos kumain ay nagtungo na kami sa
iba pang magagandang lugar sa Ilocos Sur gaya ng Plaza Salcedo, Simbahan ng
Vigan, Pagawaan ng mga paso, Bell Tower at iba pa. Inabot kami ng tanghalian sa
pamamasyal. Matapos roon ay padako na kami sa Ilocos Norte na mahigit tatlong
oras ang byahe. Ang una naming tinungo ay ang mausoleum ni dating Pangulong
Marcos. Nagtungo rin kami sa Paoay, Ilocos Norte kung nasaan ang dati niyang
tahanan o tinatawag na Malacanang of the North. Tanaw rin dito ang Paoay Lake.
Ang sumunod naming tinungo ay ang Paoay Sand Dunes. Isa itong malawak na
disyerto na maraming bundok na buhangin na nasa tabi ng dagat. Dito ay sumakay kami sa isang malaking
sasakyan o tinatawag na 4x4. Kaming lima ay nakatayong lahat sa likod na bahagi
ng sasakyan habang mahigpit na nakahawak sa mga bakal nito. Tila isang roller
coaster ang aming naging byahe dahil sa mga gabundok na buhangin na mabilis
naming tinatahak. Hindi maiiwasan ang pagsigaw lalo na kung nasa mataas kaming
bahagi at mabilis na bubulusok pababa.
"Elena, isigaw mo ng lahat na nasa puso
mo." Payo sa akin ni Jenna habang lulan pa rin kami ng 4x4.
"Anong isisigaw ko?" Patay-malisya
kong sabi. Ang gusto ko lamang ng mga sandaling iyon ay ang magsaya at huwag ng
isipin pa si Aries.
Ngunit muli ko na naman siyang
naalala.
Iniwan na niya ako. Hinayaan na
niya akong umalis sa buhay niya. Nang gabing nagmamakaawa ako sa kanya na huwag
akong hiwalayan at ayusin namin ang aming relasyon ay ipinagtabuyan lamang niya
ako at pilit ipinapaunawa sa akin na may iba na siyang mahal. Huwag ko na daw
isiksik ang sarili ko sa kanya dahil lalo lamang niya akong masasaktan. Wala na
nga akong ibang nagawa nang gabing iyon kundi ang umuwi ng luhaan kasama ang
basag kong puso.
"Isigaw mo na yan, Elen." Payo rin
ni Cecilia na siyang umuntag sa pagbabalik-tanaw ko.
"Oo nga. Para mabawasan
yang bigat ng nararamdaman mo." segunda pa ni Leni.
Bumulusok na nga ang 4x4 pababa.
"Wala kang kwenta! Hindi na
kita mamahalin pa, Aries! Wala ka ng babalikan kahit kailan! Aaahhh! Maging
masaya ka sana!" Sigaw ko ng ubod-lakas. "Pagod na akong mahalin ka!
Tama na! Wala kang kwentang tao! Bahala ka na sa buhay mo! Bwisit ka!"
Muli kong pagsigaw at pinalakpakan ako ng aking mga kaibigan. Naluluha man ay
nagawa kong matawa at mukhang tama nga sila dahil gumaan nga ang pakiramdam ko
matapos sumigaw ng pagkalakas-lakas.
Ang sumunod naming destinasyon ay ang hotel na
aming tutulugan. Matapos maligo ay nagtungo na kami ng Laoag City upang doon
maghapunan. Napasyalan namin saglit ang Sinking Tower maging ang plaza at
munisipyo ng Laoag. Muli na kaming bumalik ng hotel upang makapagpahinga.
Kinabukasan ay maaga kaming
umalis para magtungo naman sa Cape Bojeador na isang lighthouse. Kasunod nito
ay sa Kapurpurawan Rock Formations. Pagkatapos roon ay sa Bangui Windmills
naman. Sa tabi ng dagat ay nakahilera ang mahigit isandaang malalaking
windmills na siyang napagkukunan ng kuryente para sa ilang bayan sa Ilocos.
Nananghalian kami sa isang restaurant na malapit sa Bantay-Abut Cave. Maganda
ang tanawin rito at nakakamangha ang kweba na tumatagos sa dagat.
Sumunod
naming dinayo ay ang Kabigan Falls. Kalahating oras ang kailangan naming ilaan
patungo sa talon. Maaaring maligo sa talon at mababaw lamang ito ngunit hindi
na kami naligo. Bagkus ay nagpahinga lang kami saglit at namamanghang tinignan
ang may kataasang talon. Napaisip tuloy ako habang nakatitig dito. Sana katulad
ng sa tubig ay umagos na rin palayo ang pagmamahal ko para kay Aries. Nais ko
ng kumawala mula sa lahat ng sakit na dinulot niya sa akin. Itigil ko na sana
ang pagmahahal para sa kanya at nawa'y mawala na rin ang pag-asa sa puso ko na
magkaayos pa kami at magkabalikan. Kailangan ko na siyang kalimutan. May iba na
siyang mahal at wala na akong magagawa sa bagay na iyon kundi ang palayain na
lamang siya ng tuluyan. Pinunasan ko ang aking mga pisngi na may bahid na ng
luha bago pa ako makita ng mga kaibigan ko. Nakilala nila akong malakas at
masayahin. Mula kolehiyo ay magkakaibigan na kami at ngayon nga ay limang taon
na kaming may mga iba-ibang pinagkakaabalahan sa buhay. Limang taon na nga ang
lumipas mula nang magtapos kami sa kolehiyo ngunit kami-kami pa rin ang
magkakasama kapag may okasyon o mga galaan na gaya nito. Salamat sa Diyos at
may mga kaibigan akong nasasandalan at nasasabihan ko ng aking mga saloobin
bukod pa sa aking pamilya. Iniwan man ako ng isang tao na lubos kong minahal ay
alam kong may mga tao pa rin na hindi ako iiwan at sasaktan kailan man.
"Huwag ka ng mag-drama jan, Elena. Tara
na sa van dahil may susunod pa tayong pupuntahan. Maliligo na tayo sa
beach!" Masayang wika ni Leni. Nakangiti naman akong sumunod sa kanya. Sa
Pagudpud nga kami naligo. Ang dagat nito ay napakaganda at napakalawak. Puting-puti
at pinong-pino ang buhanginan sa tabing dagat. Isa itong paraiso! Kakaunti
lamang ang mga tao nang mga sandaling iyon kaya naman libre ang sumigaw. Muli
kong isinigaw ang nilalaman ng aking puso.
"Kakalimutan na kita! Hindi na
kita mahal!"
Tinapik ako sa balikat ni Jenna,
"Maaaring sa ngayon ay hindi pa totoo yang mga sinasabi mo pero pasasaan
ba't magiging totohanan rin yan. Kailangan mo lang tanggapin sa sarili mo ang
lahat at huwag ka ng aasa pa." Payo niya.
May pait sa aking ngiti nang tanguan ko siya.
Itinuloy na namin ang paglangoy at pagbabad sa ilalim ng araw. Napuno ang aming
oras na nakalaan para sa paglangoy ng kulitan, asaran, kwentuhan at tawanan.
Nang magtatakipsilim na ay muli na kaming bumalik ng hotel para maghapunan at
magpahinga dahil maaga pa kaming luluwas pa-Maynila kinabukasan. Alas syete ng
umaga ay handa na ang lahat para sa isa na namang mahabang byahe. Nakakain na
rin kami ng almusal. Pagkalipas ng apat na oras ay muli kaming dumaan ng Vigan
upang mamili ng pasalubong. Naglaan kami ng isang oras para doon. Kung dati sa
tuwing pupunta o magbabakasyon ako sa ibang lugar ay lagi kong binibilhan ng
pasalubong si Aries sampu ng pamilya niya ay hindi na ngayon.
Mga
ka-opisina, kasama sa bahay o pamilya ang mga tao na nasa isip ko na bibilhan
ng pasalubong. Pati na rin pala ang matalik kong kaibigan na hindi nakasama sa
amin dahil sa kanyang trabaho. Ibinili ko si Mark ng isang t-shirt na Vigan na
katulad ng sa akin. Mukha siyang couple’s shirt ngunit para sa akin ay wala
itong malisya. Isa si Marky sa mga taong pinahahalagahan ko sa buhay. Maging
siya ay dinadamayan ako kahit pa gaano siya kaabala sa kanyang trabaho.
Napagtanto
ko na kaya ko naman palang mabuhay nang wala si Aries sa loob ng aking mundo.
Sabi ko sa kanya hindi ko kaya, pero nagkamali ako. Dahil kayang kaya ko! Sa
tulong ng Diyos at ng mga tao sa aking paligid ay kaya kong magkaroon ng
panibagong buhay na wala siya.
Habang
lulan ng van na pabalik ng Maynila ay ito ang aking nasa isip:
Iniwan
ko na sa Ilocos ang basag kong puso at dala-dala ko ngayon ang isang buo at
panibagong puso na magmamahal muli ng isang taong karapat-dapat. Hindi pa man
iyon agaran ngunit alam kong darating din ang tamang panahon para sa isang
panibagong pag-ibig.
Lumipas
ang kalahating taon at naging masaya ang buhay ko nang wala siya. Marami akong
bagay na nagagawa ngayong malaya na ako mula sa isang nabigong pag-ibig. Mga
bagay na hindi ko nagagawa noon sapagkat halos ang buong mundo ko ay umikot
lamang sa kanya. Lahat ng aking oras na bakante ay ibinubuhos ko sa kanya. Nagkaroon
ako ng panibagong mga plano para sa aking sarili. Marami pa akong mga lugar na
gustong puntahan at mga nais gawin sa hinaharap. Bukod sa pagbuo ng sariling
pamilya- na nais ko na sanang mangyari noon, ay marami pa palang pwedeng
mangyari sa aking buhay. Ang mga pangarap ko noon bago ko pa man makilala si
Aries ay muling nanumbalik sa aking dugo. Muli kong naging mithiin ang mga ito.
Ilan sa mga pangarap ko noon ay malibot ko ang buong Pilipinas at maakyat ang
mga matataas na bundok. Ninais ko rin noon na makatulong sa kapwa bilang
myembro ng anumang organisasyon na naglalayong makapagbigay ng serbisyo sa
ibang tao na walang hinihinging kapalit o kabayaran. Sa mga libre kong oras ay ito ang aking mga
pinagkakaabalahan at masaya ako sa aking mga ginagawa na sa wakas ay
nakalimutan ko na ng tuluyan ang pagmamahal ko para sa kanya. Maaaring malinaw
pa rin sa aking memorya ang mga pinagdaanan namin kasama na ang araw na lubos
akong nasaktan ay wala na akong maramdamang kahit anong pait o saya o lungkot.
Masasabi kong ang isang kabanata ng aking buhay ay nagsara na at masayang
masaya ako tungkol sa bagay na ito.
Paunti-unti
ay may mga bago akong tao na nakikilala at nagiging parte ng aking buhay. Isa
na rito si Miguel. Nagkakilala kami mula sa isang tao na pareho naming kakilala
at kaibigan. Aaminin kong masaya ako kapag kausap ko siya. Napapatawa niya ako
ng malakas at magaan talaga sa aking pakiramdam kapag magkasama kami. Halos
lahat ng bagay ay napagki-kwentuhan namin at walang patay at nasasayang na
sandali sa tuwing kami ay magkasama.
Isang
araw ay inamin niya sa akin ang totoo niyang nararamdaman. “Mahal kita, Elena.
Isa kang babae na may ginintuang puso at masasabi kong ikaw na ang nais kong
makasama habambuhay.” Pagtatapat niya ng saloobin. “Bukod sa maganda ka ay
maganda rin ang iyong kalooban. Isang malaking tanga si Aries dahil pinakawalan
niya ang katulad mo. Sana ay mabigyan mo ako ng pagkakataon na mahalin ka sa
habang panahon.”
Ramdam
ko ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan ni Miguel. Ngunit naghahari ang
takot at pangamba sa aking puso. Handa na nga ba akong magmahal ulit at
tumanggap ng isang panibagong lalaki sa buhay ko ng higit pa sa isang kaibigan?
Handa
na nga ba akong masaktan ulit kung saka-sakali?
Mukhang
hindi pa. Walong buwan pa lamang ang nakakalipas mula ng makipaghiwalay sa akin
si Aries at kung papayagan ko si Miguel na pumasok sa aking puso ay baka muli
na naman itong mabasag.
Pinili
ko ang iwasan muna si Miguel. Lumayo ako sa kanya para makapag-isip-isip.
“Maghihintay ako sa’yo Elena, hanggang sa kaya mo na ulit ang magmahal,
hanggang sa mawala na ang lahat ng takot diyan sa puso mo.” Aniya sa naging
huli naming naging pag-uusap.
“Maraming
salamat, Miguel. Espesyal ka sa akin, tatandaan mo iyan.” Tangi kong naging
tugon sa kanya.
Gusto
ko siya, oo. Ngunit natatakot ako.
Lumipas
ang ilang linggo na hindi kami nag-usap at aaminin ko sa sarili ko na
na-mi-miss ko si Miguel. Tila ba araw-araw ay may kulang sa buhay ko ngunit
tiniis ko ang pangungulila upang malaman ko ang tunay kong nararamdaman para sa
kanya. Baka kasi hindi ko naman talaga siya gusto at ginagamit ko lamang siya
upang tuluyang makawala sa mga ala-ala ko kay Aries. Hindi ko alam. Nalilito pa
ako sa kasalukuyan.
Dahil
sa trabaho ay kinakailangan kong magtungong muli ng Ilocos. May itatayong
bagong sangay ang aking kumpanyang pinagtatrabahuhan doon at ako ang inatasan
na magtungo roon upang ayusin ang mga papeles ng establisyemento.
Sa
pagbabalik ko sa Ilocos, habang lulan ng aking sasakyan, ay muli kong naalala
ang basag kong puso na iniwan doon. Marahil ay kailangan ko iyong balikan
sapagka’t iyon ang klase ng puso na matapang, dakila at handang masaktan dahil
marunong iyon magmahal ng lubos. Sana sa pagbalik ko ng Maynila ay handa na
ulit akong umibig at mawala na ang lahat ng takot na naghahari sa aking puso.
Gabayan sana ako ng Maykapal.
WAKAS