Lahat ng nangyari sa iyo sa buong araw ay lagi mo nalang ikinikwento sa akin. Masaya man ito o malungkot ay wala kang pinipili at lahat nga ay iyong ibinabahagi. Kahit ang mga bagay na wala namang katuturan o maisipan mo lamang ay iyo ring sinasabi sa akin. Ang lahat ng iyong nararamdaman ay nadarama ko rin.
"Alam mo ba Meziah, na iyong lalaking hinahangaan ko sa eskwelahan ay sinabayan ako kaninang pauwi. Grabe ang saya-saya ko!" Kwento mo sa akin isang gabi at ako, tulad ng nakagawian ay matamang nakikinig lamang sa'yo. "Tapos hinawakan niya ang kamay ko para alalayan ako." Dagdag mo pang kwento at mababakas sa iyong mukha ang tuwa at kilig.
"Oo nga pala, ang pangalan niya ay Andres." Kwento mo naman sa akin kinabukasan. "Matagal ko na siyang gusto at alam kong alam mo naman iyon. Unang taon ko pa lang sa hayskul ay siya na kaagad ang pumukaw sa nahihimbing kong puso." Punong-puno rin ng puso ang iyong mga mata, Sherina habang ikaw ay naglalahad ng iyong mga kwento.
Nasa ikaapat ka na ng taon sa hayskul nang ligawan ka ni Andres at bawat pangyayari sa ganitong kabanata ng iyong buhay ay alam ko. Masaya ako para sa'yo.
Minsan lumilipas ang isa o dalawang linggo na hindi mo ako kinakausap. Lalo na kapag abala ka sa iyong mga gawain sa eskwela. Naiintindihan ko naman iyon dahil malapit ka nang magtapos. Abala ka na rin sa paghahanda sa bago mong papasukang mundo. Ang mundo ng kolehiyo.
Isang tumatangis na Sherina ang minsang lumapit sa akin makalipas ang ilang linggo niyang pananahimik. "Ang sakit, Meziah! Sobrang sakit ng puso ko ngayon. May iba ng mahal si Andres. Ang tanga-tanga ko dahil minahal ko siya ng sobra-sobra. Akala ko siya na ang una't huli kong pag-ibig ngunit nagkamali pala ako. Ngunit kailangan kong bumangon. Marami pa akong pangarap at hindi ko hahayaan na masira ang buhay ko nang dahil lang sa isang maling pag-ibig. Kasabay ng pagtatapos ko sa hayskul ay tapos na rin ang kahibangan ko kay Andres. Maraming salamat sa pakikinig, Meziah." Sa iyong pighati at muling pagbangon ay kasama mo rin ako Sherina.
Lumipas muli ang maraming araw at madalang mo nalang din akong kausapin. Muli ay iniintindi na lang kita. Gaya nga ng sabi mo, mas mahirap ang iyong mundong ginagalawan ngayon. Kinakailangan mong panatilihing mataas ang iyong mga grado upang hindi ka mawala sa hanay ng mga iskolar ng bayan. Nagpapasalamat pa rin naman ako dahil kapag labis-labis ang iyong nararamdaman ay hindi mo ako nakakalimutang bahagian ng kwento at minsan sa mga masasayang okasyon sa buhay mo ay binabati mo ako at kinukwentuhan. Hindi ko alintana kung mahaba man ito maiksi.
Isang bagong pag-ibig ang dumating sa iyong buhay.
"Meziah! Maligayang pasko sa'yo! Isang pulseras ang aking natanggap na regalo mula kay Benito at sobrang saya ko. Ito raw ang magiging simbolo ng pagmamahal niya sa akin. Habang suot ko raw ito ay hinding hindi siya mawawala sa akin. Ako naman ay binigyan ko rin siya ng isang napaka-espesyal na regalo. Mahal na mahal ko siya at alam kong ganun din naman siya sa akin kung kaya naman ibinigay ko na sa kanya ang matagal na niyang hinihiling mula sa akin. Noong isang linggo lamang iyon at hindi ako nagsisisi sa bagay na ipinagkaloob ko ng buong puso sa kanya. Sa palagay mo Meziah, hindi naman mali ang ginawa ko, hindi ba?" Katahimikan ang naghari sa pagitan nating dalawa.
Hindi ako makasagot sa itinanong mo sa akin bagkus ay hinayaan lamang kita na magkwento pa ng magkwento sa akin. Sino ako para punahin ang mga desisyon mo sa buhay? Isa lamang akong hamak na tagapakinig. Lumipas ang Bagong Taon at araw ng mga puso nang hindi ka nagpaparamdam sa akin ngunit muli ay inintindi ko iyon. Alam ko namang masaya ka sa bago mong pag-ibig pati na rin sa mga bagong kaibigan at masaya na rin ako para sa'yo.
Bago matapos ang unang taon mo sa kolehiyo ay muli kang lumapit sa akin. Naguguluhan, tila mababaliw na at tumatangis na namang muli. "Ano ng gagawin ko ngayon, Meziah?" tanong mo sa akin habang patuloy ang pagragasa ng iyong mga luha sa maganda at maamo mong mukha. "Nagbunga ang regalong ibinigay ko kay Benito at hindi ko na alam ang gagawin ko. Masisira ang lahat ng nauna kong plano at magagalit sa akin ang mga magulang ko. Paano na ang buhay ko ngayon? Wakasan ko na lang kaya ito? Lalo pa at wala raw balak si Benito na suportahan ito."
"Huwag Sherina, huwag!" Impit kong hiyaw. Kung mawawala ka ay mawawala na rin ako. Isa pa, napakasarap ang mabuhay. Ang maging malaya, kumilos ng naaayon sa iyong gusto at makarating sa lahat ng lugar na iyong nais ay mga biyaya ng maituturing. Maswerte ka na nga at mayroon ka nito kumpara sa akin. Hindi naman sa nagrereklamo ako kung anong silbi ang ipinagkaloob sa akin. Ang punto ko lang naman ay sana hindi pa ito ang maging katapusan nating dalawa.
Salamat sa Diyos at nabago ang una mong desisyon. Iyong pinanindigan ang munting anghel na biyaya ng langit para sa'yo. Nag-iisa man sa buhay-pagka't wala na si Benito, at natigil ka pansamantala sa iyong pag-aaral, ay dama kong masaya ka pa rin. Patunay rito nang muli mo akong kausapin at ibahagi mo sa akin ang iyong mga nararamdaman.
"Kaya ko 'to Meziah. Tama ka. Napakasarap ang mabuhay. Lalo pa ngayon na may isang buhay na rin ang nakadepende sa akin. Mamahalin ko ito ng buong puso. Salamat rin sa suporta ng mga magulang at ipinapangako ko sa kanila na babawi ako. Hinding hindi na muli ako magiging tanga sa pag-ibig. Maraming salamat rin sa lahat ng aral na aking natutunan. Lalo na sa'yo Meziah, salamat sa pagdamay mo sa akin. Kung wala ka ay baka wala na rin ako ngayon. Salamat sa pagiging sandigan ko at hingahan ng aking mga hinaing."
Nadarama ko Sherina ang naging pagbabago ng iyong buhay. Mas naging maabilidad, matapang, masayahin at marunong ka na ngayon. Salamat din ng marami sa mga kwentong patuloy mong ibinabahagi sa akin. Muli, masaya ako para sa'yo. Ikaw ang pinakamatatag na taong nakilala ko.
Nang lumabas sa mundo si Angelito ay mas naging abala ka na. Ngunit paminsan-minsan ay nagkakaroon ka pa rin naman ng panahon para sa akin. Alam kong nahihirapan ka ngunit masaya ka pa rin lalo na sa tuwing masisilayan mo ang iyong pinakamamahal. Muli ka ng nakabalik sa pag-aaral at iyo ng pinagsusumikapan an makatapos sa takdang panahon para sa kinabukasan ninyong dalawa.
Lumipas ang apat na taon at isa ka ng empleyado ngayon sa isang prestihiyosong kumpanya. Manaka-naka na lang din kung ako ay iyong kausapin. Ngunit ayos lang iyon dahil sanay na ako at nauunawaan ko ang iyong mga pinagdaraanan sa buhay. Sa paglaki ni Angelito ay mas naging abala ka na para sa ikabubuhay ninyong dalawa.
Sa totoo lang ay medyo nabigla ako nang lumapit ka sa akin upang magbahaging muli ng isang bagong kwento. "Meziah, pilit bumabalik sa buhay ko o namin ni Angelito si Benito. Dapat ko pa ba siyang tanggapin? Kung tutuusin ay masaya naman na ako ngayon na kaming dalawa lamang ng anak ko at natutustusan ko naman ang mga pangangailangan namin. Kailangan pa ba namin siya? Matagal ko na siyang napatawad at ang ibig bang sabihin non ay maaari ko na siyang mahalin muli at tanggapin?" Katahimikan na naman ang naghari sa pagitan nating dalawa. Matagal. Tila pareho tayo na may malalim na iniisip.
Hindi ako makasagot. Masyadong mabigat ang desisyon na iyong gagawin.
"Ngunit naiisip ko si Angelito. Hindi ba at mas masaya ang may kumpletong pamilya? Lagi na niya akong tinatanong kung sino ang kanyang ama. Panahon na nga ba para pagtagpuin kong muli ang aming mga landas? Nagugulugan na ako Meziah! Ano'ng gagawin ko?" Dagdag mo pang wika. Kagaya mo ay hindi ko rin alam ang dapat gawin o sabihin.
Makalipas pa ang ilang araw ay nakapagpasya ka na. Ipinakilala mo si Angelito sa kanyang ama ngunit hindi mo na hinayaang mabihag nitong muli ang iyong puso. Sapat na para sa'yo ang may nakilalang ama ang iyong anak. Tuloy pa rin ang buhay mo bilang mag-isang tumataguyod sa iyong pamilya. Maituturing pa rin naman na isang pamilya kahit wala ang presensya ng isang ama hindi ba? Sapat na ang iyong mga kapatid at magulang upang kilalaning pamilya ni Angelito.
Lumipas muli ang maraming taon na patuloy kang naging masaya kahit na walang kapares ang iyong puso. Tanging si Angelito lamang at ang iyong pamilya ang kumumpleto sa iyong simpleng pamumuhay.
Minsan naman ay lumapit ka sa akin na tila ba hindi ka mapakali at lubos-lubos ang iyong pag-aalala.
Anong problema mo?
“Si Angelito ko, Meziah! Ke-bata-bata ay mayroon na siyang nagugustuhan sa kanilang eskwelahan. Matalino daw ito at maganda at ang kwento pa niya ay may gusto rind aw ito sa kanya. Susme! Ayoko pang magka-apo ng maaga. Hindi pa ako ganun ka-tanda.” Puno ng tensyon mong pagsusumbong sa akin. Hindi mo rin naman masisisi si Angelito dahil lumaki itong guwapo na namana mula sa’yo, matangkad at may kaputian pa. Kaakit-akit rin ang mga ngiti nito na kahit sino sigurong dalagita na kaedaran nito ay magkakagusto dito.
“Hindi pa pwede, Meziah. Hindi pa siya pwede magkanobya. Kailangan muna niyang makatapos ng pag-aaral. Ayokong maging kapalaran niya ang nangyari sa akin noon. Kung sakali man na may mabuntis siya ay hindi ko hahayaan na takbuhan niya iyon. Ngunit utang na loob naman, huwag muna ngayon. Masyado pa siyang bata! Kinse anyos pa lang ang mahal ko.”
Hindi ko alam kung maiinis ako o matatawa sa iyong mga pinagsasabi, Sherina. Masyadong malayo na ang tinatakbo ng iyong isipan. Kumalma ka. Nagkakagusto pa lamang ang binatilyo mo at hindi pa ito mag-aasawa kaagad. Parte ito ng kanyang buhay pagbibinata at natural lamang iyon. Hindi ba’t labing dalawang taong gulang ka lamang noon nang una kang magkagusto sa isang lalaki?
Dumating na ang araw na aking kinatatakutan. Labis kong ikinalungkot ang sumunod mong ibinalita sa akin. Tanging pagdarasal na lamang ang ating magagawa upang ating mga buhay ay madugtungan pa.
"Meziah, may taning na ang buhay ko. Ang sabi ng mga doktor, tatlong buwan na lamang ang aking itatagal. Masakit tanggapin dahil nais ko pa sanang makitang makapagtapos ng pag-aaral si Angelito. Ngunit kung ito na ang kaloob ng Diyos sa akin ay wala na nga talaga tayong magagawa." Puno ng pagtatangis mong wika sa akin. Ramdam ko ang paghihirap ng iyong ng damdamin pati na rin ang pagdurusa ng katawan mong unti-unti ng nauupos dahil sa isang sakit.
Madaya ka Sherina. Sapagka't hindi ka man lang umabot sa tatlong buwan na ibinigay sa'yong taning. Wala ka na. Wala na. Ako ngayon ang lihim na tumatangis dahil sa iyong pagkawala.
Ngayon nga ay araw na ng iyong libing. Nagluluksa sa paligid ang lahat ng tao na nagmamahal sa'yo at naging bahagi ng buhay mo. Kabilang na ako doon.
"Teka lang lola, isama pa po natin itong diary ni Mama sa loob ng kabaong niya. Ibinilin niya ito sa akin." Wika ni Angelito sa iyong ina.
Ipinasok na nga ni Angelito ang isang makapal na kwaderno na may nakaimprentang "MEZIAH" sa pinakaharap na dahon sa loob ng iyong ataul.
Magkasama pa rin tayo hanggang sa huli, Sherina. Salamat sa lahat ng iyong kwento na ibinahagi mo sa akin. Katulad ng iyong buhay, ang mga pahina kong taglay ay ubos na rin.
WAKAS
No comments:
Post a Comment