Monday, March 25, 2019

Mga Salitang Natutunan at Laan Sa’yo








Ikaw ang nagmulat sa akin ng salitang “Pagpili”.
Minahal kita dahil sinubukan kong piliin ka at pinili kita upang manatili sa buhay ko.
Ikaw rin ang naturo sa akin ng salitang “Sugal” dahil kahit pakiramdam ko noon ay hindi pa ako handa ay sige lang at lumaban pa rin ako kahit walang kasiguraduhan na mananalo tayo.
Ikaw ang nagmulat sa akin ng salitang “Pagtanggap”.
Nanatili tayo sa isa’t isa at buong pusong tinanggap ang kahinaan ng bawat isa.
Maraming pagsubok ang literal na sumubok sa pagsasamang mayroon tayo.
Ilang beses na rin nating muntikan piliin ang salitang “Pagsuko” pero nanindigan tayo at kumapit sa salitang “Pakatatag”.
Makalipas ang limang taong pagsasama ay pinili nating maghiwalay pansamantala upang mapaganda ang kinabukasan. Nag-aral ka habang ako naman ay patuloy na hinaharap ang tunay na laban ng buhay – ang pagkayod para sa pamilya.
Hindi madali ang mahiwalay sa’yo ng dalawang taon ngunit kinaya natin ‘yon.
Natutunan natin ang salitang “Sakripisyo” pati na rin ang salitang “Pagtitiis” para sa mas maalwang buhay at mas maliwanag na bukas.
Maraming gabi ang kausap ka sa telepono habang umiiyak ako.
Muli ring sumasagi sa ating mga isip ang “Pagsuko”.
Pero hindi tayo nagpatinag at muli tayong nagkasamang muli.

Masaya naman tayo. May mga plano na nga tayong nabuo.
Pero nagpatinag ka sa salitang, “Tukso” at pinili mo ng talaga ang salitang, “Pagsuko”.
Ipinagpalit mo ang pitong taon nating pagsasama para sa taong tatlong buwan mo pa lamang nakikilala.
Ipinamukha mo sa akin na sa atin ay hindi ka na masaya at sa inyo ay mas magiging masaya ka.
Kaya sige, pinalaya kita.
Hindi naging madali. Sobrang sakit. Parang biniyak at binasag sa maraming piraso ang puso ko na buong-buo ang naging tiwala sa’yo.
Nadapa man, nasugatan pero pinilit parin maging matatag kahit sobrang hirap.
Dito ko natutunan ang salitang, “Pagbangon”.
Nahanap ang sarili, ginawa ang mga bagay-bagay na pangarap ko lang noon.
Ang dami ko pang mga natutunan. Salamat sa pananakit sa akin dahil marami pa palang maihahain ang mundo sa akin, sa atin.

Mabilis na lumipas ang panahon at sa wakas ay naranasan ko rin ang salitang, “Paghilom”.
Mas minahal ang sarili at mas maraming lugar ang napuntahan, mga bagay na nagawa nang mag-isa.
Mas maraming bagong tao ang nakilala at naging kaibigan.
Hindi naman pala tama na sa iisang tao lang paiikutin ang daigdig.
Masaya na rin akong naghihintay para sa tamang taong darating para sa akin.

Kahit kailan mula nang maghiwalay tayo ay hindi na kita ginambala pa.
Pero ikaw ang nagpahiwatig sa akin ng salitang “Pagbabalik”.
Pati salitang “Ikalawang Pagkakataon” ay hiningi mo kasabay ng buong pusong paghingi ng tawad.

Naniwala ako sa dalawang salitang ‘yon at muli kong inangkin ang salitang, “Pagsugal.”
Muli ka ngang hinayaan na bumalik sa buhay ko.

Sana lang, sana lang talaga ay huwag mo nang sasayangin ang ikalawa at huling pagkakataon na ito.
Sa totoo lang ay puno pa rin ng takot ang puso ko na baka maulit lang ang nakaraan pero sana , sana, sana, ay tama na ang desisyon nating ito.
Mahal pa rin kita, pinipili pa rin kita.
Masaya ako kapag kasama kita.
At hindi ako kailanman magsisisi sa ibinigay nating panahon at muling pagkakataon para sa isa’t isa.

Kaya Mahal, sana, sana lang talaga, ay tayo na talaga hanggang sa huli.
Wala mang kasiguraduhan ang lahat ay patuloy na ipagdarasal na sana ay tayo nga talaga ang inilaan para sa isa't isa ng Maykapal.


1 comment:

  1. 'I cried after reading this letter of you. The feelings i had for my honey is still here,still alive.i also hope that one of this days magparamdam sya.just want to tell here am still waiting for her...di ko na naranasan ang saya at ganda ng buhay mula ng lumisan sya. I really memorized every music heard that fit to our love story....mahal na mahal ko kasi sya.mas lalo ko minahal mga luma awitin na alam ko ma appreciate nya.am old enough but my feelings remain the same.ang daming SANA na gusto ko sabihin at ipaalam sa kanya......i pray everyday that before i finally close my eyes ay masabi ko at maipadama sa kanya mga salitang dati ay kinulang at kulang ako during our days...i miss you honey/tears flowing down on my face as i write this letter/comment for her....

    ReplyDelete