Written By: CieloAmethyst
Feb.2018
All rights reserved
APAT na taon na
silang magkasintahan.
Apat na beses na
rin silang muntik magkita.
At apat na beses
na rin silang nagdesisyon na maghiwalay dahil wala naman talagang patutunguhan
ang kanilang relasyon dahil kahit kailan ay hindi pa sila nagkikita – nang mata
sa mata at puso sa puso.
Kilala niya ang ng
lalaki na nagtatago sa pangalang Nathaniel Dela Cruz. Gumagamit ito ng larawang
hindi naman talaga ito.
At siya naman si
Vannilyn Monteverde, ito ang totoo niyang pangalan. Tunay ding mukha ang gamit
niya sa kanyang Facebook account.
Marami na ang
nagsasabi kay Vannilyn na ang tanga-tanga niya. Sinalo niya ang lahat ng
katangahan sa mundo nang magsabog ang Diyos nito. Aminado naman siya rito at
matagal na niyang tanggap ang katotohanang ito. Sino nga namang babae ang
makakatagal sa ganoong klase ng relasyon? Siya lang.
Si Nathaniel ang
una’t huli niyang nobyo.
Bente anyos siya
nang maging sila –nang i-chat siya nito, at ngayon nga ay bente-kuwatro na
siya. Kung noon pagkatapos niya ng kolehiyo ay natanggap siya bilang klerk sa
isang pribadong kumpanya, ngayon nga ay supervisor na siya. Love life niya lang yata ang consistent sa buhay niya.
Palagi silang
nag-uusap sa telepono ng lalaki. Pinapadalhan din siya nito ng mga regalo, may
okasyon man o wala. Sa loob ng apat na taon nilang pagiging magkasintahan ay
minahal niya ito ng buong puso kahit pa nga na wala itong mukha.
Katulad ng mga
tipikal na mga magkarelasyon ay lagi rin silang nag-aaway at ang madalas nga
nilang pag-awayan ay ang hindi pa rin pagpapakita ng lalaki sa kanya.
Ilang beses na
nitong hindi sinisipot ang sana’y mga pagkikita nila. Palagi na lamang itong nagkukubli
sa kumpol ng mga tao at patagong nakabantay sa kanya hanggang sa ligtas siyang
makauwi.
Palagi rin siyang
nakikipag-break pero dahil nga sa pinanindigan na niya ang pagiging dakilang
tanga ay pinapatawad niya pa rin ito at nagkakabalikan silang muli.
Katulad ng mga
pangkaraniwang gabi ay heto at nagpupuyat siya habang kausap sa kabilang linya
ng telepono ang lalaki.
“Ano na?
Mag-li-limang taon na tayo ay wala ka pa ring balak magpakita sa akin?” Muli
niyang pangungulit sa lalaki. Ilang beses na niyang sinubukang alamin kung sino
talaga ang lalaki ngunit palagi rin naman siyang nabibigo. Kaya naman sumuko na
siya at hinihintay na lamang niya ang pagkakataon na magkaroon na ang nobyo ng
lakas ng loob para kusang magpakita sa kanya.
Tumawa muna ang
lalaki bago sinagot ang tanong niya, “Ayan ka na naman, Misis. Nangungulit ka
na naman.”
Sa tuwing
tatawagin siya nitong ‘misis’ ay kinikilig siya. Mababaw na kung mababaw pero
ang bawat salita ng lalaki ay napakalakas talaga ng epekto sa kanya.
Nakagat niya ang
pang-ibabang labi at napangiti na naman na parang hayskul habang kausap ang
campus crush. “Paano kita magiging mister sa totoong buhay niyan kung hindi mo
ipapakita sa akin ang mukha mo?” Ilang beses nang lumabas sa imahinasyon niya
na ikinakasal sa lalaki iyon nga lang ay wala itong mukha.
“Masyado ka kasing
maganda, Mahal, kaya nahihirapan akong magpakita sa’yo dahil hindi ako
nababagay sa’yo.” Bumuntong hininga pa ito. Lumapat na naman ang lungkot sa
tinig ng lalaki. Masyado talaga nitong pinapababa ang tingin sa sarili.
“Ano ka ba
naman?!” Tila pagalit niyang wika. Heto
na naman tayo. “Minahal nga kita kahit wala kang mukha at mas lalo pa kitang
mamahalin kapag nakita na kita. Kahit ano pa ang maging itsura mo, tanggap
kita, Mahal.” Puno ng sinseridad niyang sabi.
“Kahit na. Kulang
pa yung inipon kong lakas ng loob. Dagdagan pa natin ng konti pa.”
“Hay nako. Baka
naman abutin na tayo ng sampung taon ay hindi ka pa rin magpakita sa akin.”
“Magpapakita ako
sa’yo. Pangako.”
Umasa na naman
siya.
PERO napagod ang
puso ni Vannilyn na maghintay. Tila ba isang araw ay nagising na lamang siya na
hungkag ang pakiramdam. Apat na taon at walong buwan. Ganun katagal siyang
naghintay at pakiramdam niya ay sinayang niya ang kanyang panahon sa maling
lalaki.
Hindi siya
nagpaligaw sa iba sa loob ng mahabang panahon na iyon dahil nakatuon ang buo
niyang atensyon kay Nathaniel.
Ngayon nga ay
aalis na naman ang lalaki. Sumasakay kasi ito ng barko bilang hanapbuhay nito.
Mababawasan na naman ang mga pag-uusap nila. Nakailang sampa na ito ng barko at
ganito lagi ang set-up nila. Sa
tuwing nakasakay ito ay naghihintay siya sa kawalan kung kailan siya nito
muling kakausapin. Walang konkretong oras o petsa. Siya palagi ang nag-aadjust.
Napagod na siya at
tila hindi sapat ang salitang pahinga para dito. Kailangan na niyang ihinto ang
kahibangan.
“Magpapakita ka sa
akin bago ka sumakay ulit ng barko o maghihiwalay na talaga tayo.” Hamon niya
sa lalaki. Pinipilit niyang magpakatatag sa kabila ng mga salitang binitiwan
niya.
“Sige, maghiwalay
na tayo.” Nagulat siya sa itinugon ng lalaki. Inaasahan na niya ito ngunit
nasaktan pa rin siya nang sobra.
Tumulo ang mga
luha niya ngunit tinanggap niya ang desisyon ng lalaki. Kung tutuusin ay siya
naman talaga ang may kasalanan kung bakit siya sobrang nasasaktan ngayon.
“Si-sige, bye.” Ibababa na sana niya ang telepono ngunit may pahabol ang
lalaki.
“Pero magkita muna
tayo – para sa huling pagkakataon.”
Mas lalo siyang
naiyak. “Ang sama-sama mo! Magpapakita ka na sa akin pero makikipaghiwalay ka
na! Ikaw ang pinakasalbaheng tao na nakillala ko. Grabe ka sa akin!”
Humahagulgol na siya.
Mahabang
katahimikan. Pinakalma muna siya ng lalaki.
“Kung saan tayo
unang magkikita dapat. Magkita tayo doon bukas. Alas-kuwatro ng hapon.” Nawala na
sa kabilang linya ng telepono ang lalaki. Naiwan na naman siya sa ere.
ALAS-TRES
kinabukasan, ilang beses siyang
nakipagtalo sa sarili kung kakatagpuin ba ang “dating” kasintahan at nanalo ang
katangahan niya.
Sige. Para sa huling pagkakataon.
Sisiputin niya
ito. Para matapos na ang lahat. Baka kasi na-curious lang siya kung ano ba talaga ang totoong itsura ni
Nathaniel. Baka pagkatapos ng pagkikita nila ngayon ay matapos na rin ang
lahat-lahat sa pagitan nila. Baka naman hindi niya talaga ito mahal.
Baka nga. Ewan. Sana nga ganun lang ‘yon.
Dahil malapit
lamang sa kanilang lugar kung saan nito gusto silang magkita ay nandoon na siya
tatlumpung minuto bago mag-ika-apat ng hapon.
‘Nandito na ako. Utang na loob, huwag mo akong
indianin’ Nagpadala
siya ng mensahe para dito.
At tumugon naman
ang lalaki. ‘Malapit na ako. Huwag kang
mag-alala, magpapakita na ako.’
‘Sige. Ingat.’
Ngunit lumipas ang
isang oras ay walang Nathaniel na tumambad sa kanyang harapan.
Binigo na naman
siya nito tulad nang nakagawian nito. Hindi pa ba siya nasanay?
Mukhang hindi,
dahil lubusan pa rin siyang nasasaktan dahil sa ginawa nito.
Naiinis na
tinawagan niya ang lalaki at sinagot naman nito ang tawag. “Nasaan ka na?!”
Bulyaw niya rito habang hindi man lang ito hinayaang makapagsalita muna.
“Hello…”
Nagtaka siya dahil
hindi ito boses ni Nathaniel. Parang boses tatay.
“Hello po.”
Magalang niyang pambawi sa marahas na pananalita. “Nasaan po si Nathaniel?”
May ugong ng
sirena ng ambulansya siyang narinig sa paligid ng kausap. Parang malakas na
sinapak ang dibdib niya. Tila ba kinutuban siya na may masamang nangyari sa
dating katipan.
“Kamag-anak ka ba
ng may-ari ng telepono na ito?”
“Ho-o?” Nauutal
niyang wika. “Ba-bakit po, ano’ng nangyari?”
Matapos marinig
ang sagot ng kausap ay kumaripas na siya ng takbo patungo sa lugar kung nasaan
ang lalaking pinakamamahal.
Wala ng buhay nang
maabutan niya si Nathaniel na nakahandusay sa kalye habang napalilibutan ng
maraming tao.
Hindi niya ininda
ang dugong bumabalot sa buong mukha nito. Pinunasan niya iyon sa pamamagitan ng
palad niya.
“Mahal…” Halos
hindi na niya ito makita dahil puno ng luha ang mga mata niya. “Gising!”
Humagulgol na siya, wala nang bakas ng buhay ang lalaki. Nabundol ito ng
rumaragasang truck na nawalan ng preno.
Tumambad sa kanya
ang malaking pilat sa kanang pisngi ng lalaki.
Bumalik sa kanya
ang isang ala-ala noong limang taong gulang pa lamang siya.
‘Paglaki ko, pakakasalan kita.’ Wika ng batang lalaki sa
kanya. Kaklase niya ito sa kindergarten.
‘Ayaw ko sa’yo. Ang pangit mo.’ Mataray namang wika ng
batang babae. Ayaw nito sa batang lalaki dahil may malaki itong pilat sa
mukha.
Nalungkot ang batang lalaki at tumalikod. Pagdating ng
sumunod na taon ay hindi na sila naging magkaklase.
Dumating kay
Vannilyn ang realisasyon. Siya rin pala ang dahilan kung bakit hindi nito magawang
magpakita sa kanya. Marahil ay dinibdib nito ang inosente niyang pagsusungit
dito noon. Ngayong nasa hustong gulang na siya ay hindi naman niya alintana ang
itsura ng isang tao, ang mas mahalaga ay ang kalooban nito.
Sa huling
pagkakataon ay nasulyapan niya ang lalaking mahal.
WAKAS.