Pages

Monday, March 5, 2018

Ang Hiling Niya




Isinulat Ni: CieloAmethyst
(Maikling Kwento)
12.13.17





Napadaan sila sa simbahan ng Baclaran.
At dahil doon ay muling nanariwa ang mga alaala ng kahapon. Iyong mga panahong, pausbong pa lamang ang relasyon nila...

Madalas silang magpunta roon sa simbahan ng Baclaran para dumalaw sa Nag-iisang Dakila na Maylikha ng lahat.
At siya, sa puso niya ay mataimtim niyang ipinagdarasal noon na sana nga ay siya na ang nakatakda para sa kanya. Umaasa siya na ang lalaking katabi niya ngayon sa upuan dito sa pinakaharapang bahagi ng dasalan ang siyang makakasama niya habambuhay.
Minsan lang kasi siya magmahal nang sobra at sana nga ay para na iyon sa taong ito na hindi siya sinukuan at nangakong mamahalin siya habambuhay.
Magkahawak kamay silang lumalabas ng simbahan na iyon para magtungo sa isang balon na maaari kang humiling, maghahagis ka lamang ng barya.
Bumunot ng barya ang lalaki sa bulsa nito. Tig-isa sila at sabay nilang itinatapon pagkatapos ng taimtim na hiling at sandaling katahimikan.
Sana ay pareho sila ng hiniling.

Maraming taon ang lumipas.
Maraming bagay ang nagbago.
Maraming pangyayari ang naganap.
Maraming kasiyahan ang pinagsaluhan nila.
Maraming kalungkutan na nagdamayan sila.
Maraming pagsubok ang pinagdaanan nila.


Sa huli ay pinili ng lalaki ang iwanan siya at kalimutan ang sinumpaan nila na hindi maghihiwalay anumang unos ang kanilang patutunguhan. Mas pinili ng lalaki ang saktan siya at sumama sa piling ng iba.  
Hindi naman niya ito masisi dahil baka may mga naging pagkukulang nga siya. Pinalaya niya ito mabigat man sa kanyang kalooban.
Pinilit niyang maging matatag at unti-unting binuo mag-isa ang nadurog niyang puso.

Nanatili siyang palasimba dahil sa pagdalaw niya sa tahanan ng Diyos ay mas mabilis na naghilom ang mga sugat sa puso niya. Mas naging mabilis ang pagtahan niya at tuluyang pagkawala ng mga luha sa kanyang mga mata.

Hindi naging madali ang proseso ngunit nagpakatatag siya. Hanggang sa maging ayos na siya.

Tanggap na niya ang lahat. Siguro nga ay mga bagay lang talaga na hindi nararapat para sa kanya.

Naging masaya siyang muli kahit pa na mag-isa na lamang siya.
Nahanap niya ang sarili sa pag-iisa.
Mas marami siyang bagay na nagawa o napuntahan.
Mas marami siyang mga bagong tao na nakilala.
Mas lumawak ang kanyang mundo.
Mas namulat siya totoong laki ng lugar na kanyang ginagalawan,
Mas nalaman niya na ang pagmamahal ay maaaring makuha sa ibang bagay o mas maski sa sarili lamang niya.
Mas napatunayan niyang marami pa pala siyang maaaring gawin.
Mas napansin at nakita niya ang mga bagay na noon ay binabalewa lamang niya.
Mas naging masaya siya.
Hindi rin niya namalayan na dalawang taon na pala ang matuling lumipas.
Hanggang sa isang araw ay bumalik ang taong naging dahilan ng lahat nang pagbabago sa buhay niya.

Ayos na siya eh.
Masaya na siya.
Pero bakit siya pa rin pala?
Ang nilalaman ng puso niya ay walang iba kundi siya pa rin pala.
Nagsisi ito na nasaktan siya. Humingi ng kapatawaran.
Na noon pa lang naman ay binigay na niya upang tuluyan siyang makalaya.

Bumalik ito ngayon sa buhay niya, noong una ay bilang kaibigan lamang pero napatunayan nila pareho na mahal pa rin pala nila ang isa’t isa.
Kaya naman muli silang sumugal.

Muli silang bumalik sa simbahan ng Baclaran nang magkasama.

Sa pagkakataong ito ay siya ang dumukot ng barya mula sa kanyang bulsa at binigyan ang lalaki.
Nagdalawang isip ang lalaki kung hihiling pa ba ito.
Dahil humiling na rin ito noon.
Tinanong niya kung ano ba ang hiling nito noon.
Ang sagot ng lalaki ay sana silang dalawa na nga hanggang sa huli.
Napatunayan niya na pareho lamang pala sila ng hinihiling!
Wika pa ng lalaki, nagkahiwalay man sila noon, sila pa rin pala hanggang ngayon.
Marahil ay may bisa pa rin ang hiling nito noon.
Kaya naman hindi na ito hihiling pa.
Dahil ang makasama siya ngayon ay sapat ng kasagutan sa naging hiling niya.

Natuwa siya.
Masaya siya.

Lumisan sila ng simbahan nang magkahawak kamay.


1 comment:

  1. nice story.im more inlove now to her than before...sana ganon din sya sa kin.but in my case i feel na ako yata yong tinapon ng ex ko don sa fountain at di yong barya! wherever she is now just want to say she is still my life and inspiration.am still waiting for her to come back.

    ReplyDelete