Pages

Tuesday, February 13, 2018

A Short Story: “Sulyap”




Written By: CieloAmethyst
Feb.2018
All rights reserved



APAT na taon na silang magkasintahan.
Apat na beses na rin silang muntik magkita.
At apat na beses na rin silang nagdesisyon na maghiwalay dahil wala naman talagang patutunguhan ang kanilang relasyon dahil kahit kailan ay hindi pa sila nagkikita – nang mata sa mata at puso sa puso.
Kilala niya ang ng lalaki na nagtatago sa pangalang Nathaniel Dela Cruz. Gumagamit ito ng larawang hindi naman talaga ito. 
At siya naman si Vannilyn Monteverde, ito ang totoo niyang pangalan. Tunay ding mukha ang gamit niya sa kanyang Facebook account.

Marami na ang nagsasabi kay Vannilyn na ang tanga-tanga niya. Sinalo niya ang lahat ng katangahan sa mundo nang magsabog ang Diyos nito. Aminado naman siya rito at matagal na niyang tanggap ang katotohanang ito. Sino nga namang babae ang makakatagal sa ganoong klase ng relasyon? Siya lang.
Si Nathaniel ang una’t huli niyang nobyo.
Bente anyos siya nang maging sila –nang i-chat siya nito, at ngayon nga ay bente-kuwatro na siya. Kung noon pagkatapos niya ng kolehiyo ay natanggap siya bilang klerk sa isang pribadong kumpanya, ngayon nga ay supervisor na siya. Love life niya lang yata ang consistent sa buhay niya.
Palagi silang nag-uusap sa telepono ng lalaki. Pinapadalhan din siya nito ng mga regalo, may okasyon man o wala. Sa loob ng apat na taon nilang pagiging magkasintahan ay minahal niya ito ng buong puso kahit pa nga na wala itong mukha.
Katulad ng mga tipikal na mga magkarelasyon ay lagi rin silang nag-aaway at ang madalas nga nilang pag-awayan ay ang hindi pa rin pagpapakita ng lalaki sa kanya.
Ilang beses na nitong hindi sinisipot ang sana’y mga pagkikita nila. Palagi na lamang itong nagkukubli sa kumpol ng mga tao at patagong nakabantay sa kanya hanggang sa ligtas siyang makauwi.
Palagi rin siyang nakikipag-break pero dahil nga sa pinanindigan na niya ang pagiging dakilang tanga ay pinapatawad niya pa rin ito at nagkakabalikan silang muli.

Katulad ng mga pangkaraniwang gabi ay heto at nagpupuyat siya habang kausap sa kabilang linya ng telepono ang lalaki.
“Ano na? Mag-li-limang taon na tayo ay wala ka pa ring balak magpakita sa akin?” Muli niyang pangungulit sa lalaki. Ilang beses na niyang sinubukang alamin kung sino talaga ang lalaki ngunit palagi rin naman siyang nabibigo. Kaya naman sumuko na siya at hinihintay na lamang niya ang pagkakataon na magkaroon na ang nobyo ng lakas ng loob para kusang magpakita sa kanya.
Tumawa muna ang lalaki bago sinagot ang tanong niya, “Ayan ka na naman, Misis. Nangungulit ka na naman.”
Sa tuwing tatawagin siya nitong ‘misis’ ay kinikilig siya. Mababaw na kung mababaw pero ang bawat salita ng lalaki ay napakalakas talaga ng epekto sa kanya.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at napangiti na naman na parang hayskul habang kausap ang campus crush. “Paano kita magiging mister sa totoong buhay niyan kung hindi mo ipapakita sa akin ang mukha mo?” Ilang beses nang lumabas sa imahinasyon niya na ikinakasal sa lalaki iyon nga lang ay wala itong mukha.
“Masyado ka kasing maganda, Mahal, kaya nahihirapan akong magpakita sa’yo dahil hindi ako nababagay sa’yo.” Bumuntong hininga pa ito. Lumapat na naman ang lungkot sa tinig ng lalaki. Masyado talaga nitong pinapababa ang tingin sa sarili.
“Ano ka ba naman?!” Tila pagalit niyang wika.  Heto na naman tayo. “Minahal nga kita kahit wala kang mukha at mas lalo pa kitang mamahalin kapag nakita na kita. Kahit ano pa ang maging itsura mo, tanggap kita, Mahal.” Puno ng sinseridad niyang sabi.
“Kahit na. Kulang pa yung inipon kong lakas ng loob. Dagdagan pa natin ng konti pa.”
“Hay nako. Baka naman abutin na tayo ng sampung taon ay hindi ka pa rin magpakita sa akin.”
“Magpapakita ako sa’yo. Pangako.”
Umasa na naman siya.


PERO napagod ang puso ni Vannilyn na maghintay. Tila ba isang araw ay nagising na lamang siya na hungkag ang pakiramdam. Apat na taon at walong buwan. Ganun katagal siyang naghintay at pakiramdam niya ay sinayang niya ang kanyang panahon sa maling lalaki.
Hindi siya nagpaligaw sa iba sa loob ng mahabang panahon na iyon dahil nakatuon ang buo niyang atensyon kay Nathaniel.
Ngayon nga ay aalis na naman ang lalaki. Sumasakay kasi ito ng barko bilang hanapbuhay nito. Mababawasan na naman ang mga pag-uusap nila. Nakailang sampa na ito ng barko at ganito lagi ang set-up nila. Sa tuwing nakasakay ito ay naghihintay siya sa kawalan kung kailan siya nito muling kakausapin. Walang konkretong oras o petsa. Siya palagi ang nag-aadjust.
Napagod na siya at tila hindi sapat ang salitang pahinga para dito. Kailangan na niyang ihinto ang kahibangan.
“Magpapakita ka sa akin bago ka sumakay ulit ng barko o maghihiwalay na talaga tayo.” Hamon niya sa lalaki. Pinipilit niyang magpakatatag sa kabila ng mga salitang binitiwan niya.
“Sige, maghiwalay na tayo.” Nagulat siya sa itinugon ng lalaki. Inaasahan na niya ito ngunit nasaktan pa rin siya nang sobra.
Tumulo ang mga luha niya ngunit tinanggap niya ang desisyon ng lalaki. Kung tutuusin ay siya naman talaga ang may kasalanan kung bakit siya sobrang nasasaktan ngayon. “Si-sige, bye.” Ibababa na sana niya ang telepono ngunit may pahabol ang lalaki.

“Pero magkita muna tayo – para sa huling pagkakataon.”
Mas lalo siyang naiyak. “Ang sama-sama mo! Magpapakita ka na sa akin pero makikipaghiwalay ka na! Ikaw ang pinakasalbaheng tao na nakillala ko. Grabe ka sa akin!” Humahagulgol na siya.
Mahabang katahimikan. Pinakalma muna siya ng lalaki.
“Kung saan tayo unang magkikita dapat. Magkita tayo doon bukas. Alas-kuwatro ng hapon.” Nawala na sa kabilang linya ng telepono ang lalaki. Naiwan na naman siya sa ere.

ALAS-TRES kinabukasan,  ilang beses siyang nakipagtalo sa sarili kung kakatagpuin ba ang “dating” kasintahan at nanalo ang katangahan niya.
Sige. Para sa huling pagkakataon.  
Sisiputin niya ito. Para matapos na ang lahat. Baka kasi na-curious lang siya kung ano ba talaga ang totoong itsura ni Nathaniel. Baka pagkatapos ng pagkikita nila ngayon ay matapos na rin ang lahat-lahat sa pagitan nila. Baka naman hindi niya talaga ito mahal.
Baka nga. Ewan. Sana nga ganun lang ‘yon.
Dahil malapit lamang sa kanilang lugar kung saan nito gusto silang magkita ay nandoon na siya tatlumpung minuto bago mag-ika-apat ng hapon.

‘Nandito na ako. Utang na loob, huwag mo akong indianin’ Nagpadala siya ng mensahe para dito.
At tumugon naman ang lalaki. ‘Malapit na ako. Huwag kang mag-alala, magpapakita na ako.’
‘Sige. Ingat.’

Ngunit lumipas ang isang oras ay walang Nathaniel na tumambad sa kanyang harapan.
Binigo na naman siya nito tulad nang nakagawian nito. Hindi pa ba siya nasanay?
Mukhang hindi, dahil lubusan pa rin siyang nasasaktan dahil sa ginawa nito.
Naiinis na tinawagan niya ang lalaki at sinagot naman nito ang tawag. “Nasaan ka na?!” Bulyaw niya rito habang hindi man lang ito hinayaang makapagsalita muna.
“Hello…”
Nagtaka siya dahil hindi ito boses ni Nathaniel. Parang boses tatay.
“Hello po.” Magalang niyang pambawi sa marahas na pananalita. “Nasaan po si Nathaniel?”
May ugong ng sirena ng ambulansya siyang narinig sa paligid ng kausap. Parang malakas na sinapak ang dibdib niya. Tila ba kinutuban siya na may masamang nangyari sa dating katipan.
“Kamag-anak ka ba ng may-ari ng telepono na ito?”
“Ho-o?” Nauutal niyang wika. “Ba-bakit po, ano’ng nangyari?”
Matapos marinig ang sagot ng kausap ay kumaripas na siya ng takbo patungo sa lugar kung nasaan ang lalaking pinakamamahal.

Wala ng buhay nang maabutan niya si Nathaniel na nakahandusay sa kalye habang napalilibutan ng maraming tao.
Hindi niya ininda ang dugong bumabalot sa buong mukha nito. Pinunasan niya iyon sa pamamagitan ng palad niya.
“Mahal…” Halos hindi na niya ito makita dahil puno ng luha ang mga mata niya. “Gising!” Humagulgol na siya, wala nang bakas ng buhay ang lalaki. Nabundol ito ng rumaragasang truck na nawalan ng preno.
Tumambad sa kanya ang malaking pilat sa kanang pisngi ng lalaki.
Bumalik sa kanya ang isang ala-ala noong limang taong gulang pa lamang siya.

‘Paglaki ko, pakakasalan kita.’ Wika ng batang lalaki sa kanya. Kaklase niya ito sa kindergarten.
‘Ayaw ko sa’yo. Ang pangit mo.’ Mataray namang wika ng batang babae. Ayaw nito sa batang lalaki dahil may malaki itong pilat sa mukha. 
Nalungkot ang batang lalaki at tumalikod. Pagdating ng sumunod na taon ay hindi na sila naging magkaklase.

Dumating kay Vannilyn ang realisasyon. Siya rin pala ang dahilan kung bakit hindi nito magawang magpakita sa kanya. Marahil ay dinibdib nito ang inosente niyang pagsusungit dito noon. Ngayong nasa hustong gulang na siya ay hindi naman niya alintana ang itsura ng isang tao, ang mas mahalaga ay ang kalooban nito. 

Sa huling pagkakataon ay nasulyapan niya ang lalaking mahal. 


WAKAS.





No comments:

Post a Comment