Pages

Tuesday, December 27, 2016

Sa Muling Pagpikit

“Sa Muling Pagpikit”
Isinulat ni: CieloAmethyst
Dec. 22, 2016
 
Katulad ng mga lumipas na gabi ay muli na naman kitang napanaginipan. Dinalaw mo na naman ang mahimbing kong pagkakatulog.

Masaya tayo sa panaginip ko. Na para bang muli na naman tayong nagsisimula ng isang panibagong yugto sa ating buhay nang magkasama at nagmamahalan.
Masaya ka. Masaya rin ako. Puno ng pag-ibig ang paligid. Kapwa nasasabik ang isa’t isa na muling magkasama at aalis ng bahay upang kumain sa labas. Katulad ng dati – ng dati nating ginagawa at nakasanayan na sa mahabang panahon.

Pero bakit?
Bakit? Bakit may ganoong eksena?
Bakit sa panaginip ko ay mahal mo pa ako, at ganoon din ako sa’yo. 

Ayokong umasa na kaya kita napanaginipan ay dahil sa naaalala mo ako at nais mo akong makita gaya nang sabi-sabi ng iba.

Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Pwede ba akong matuwa? Dahil kahit man lang sa panaginip ay muli kitang nakita, nakausap, nakasama, nayakap, nahalikan. Hindi ako sigurado. Hindi ako sigurado kung ano ang tunay kong mararamdaman.

Kumusta ka na ba? Buhay ka pa ba?
Masaya ka ba ngayon sa buhay mo? 
Sa totoo lang kung ako ang tatanungin mo ay medyo may kalungkutan akong nadarama dahil gusto kita makita at makumusta. Wala na kasi akong balita tungkol sa'yo.

Pero parang ayoko rin naman na makausap o makita ka man lang dahil natatakot ako na baka kapag nagkita tayo- nang hindi na sa panaginip kundi sa totoong buhay na ay muli kong maramdaman lahat ng sakit na dinulot mo sa akin noon. 

Nakakatakot. 

At mas higit na nakakapangamba na baka muli ring bumalik lahat ng nararamdaman ko noon para sa'yo na nahirapan ako sa pagtataboy at naglaan ako ng maraming oras, araw at buwan para maisakatuparan ang bagay na iyon.

Sa kabila ng lahat, sana ay ayos ka lang. At kung ako naman ang tatanungin mo, ayos lang ako nang wala ka. Hinihiling ko rin na sana ay nakokontrol ko ang aking panaginip at napipili ang mga tao at eksenang maaari kong makasama doon. 
Pero hindi. Alam ko namang imposible ang bagay na iyon. 

Pero sana, sana lang talaga, sa muli kong pagpikit ay hindi na kita mahalin pa.  

No comments:

Post a Comment