Dear Future Love, Kailan Ka Ba Darating?
Isinulat ni CieloAmethyst
Dec. 21, 2016
Hindi naman sa naiinip na ako. Hindi rin naman sa nawawalan
na ako ng pag-asa. Gusto ko lang talaga magtanong kung kailan nga ba ang tamang
panahon para sa ating dalawa.
Naniniwala ako na makikilala rin kita para makasama
habambuhay iyon nga lang ay hindi ko alam kung kailan ang eksaktong petsa kung
kailan mangyayari iyon.
Maaaring kilala na kita ngayon pero hindi ko pa alam o hindi
pa natin alam dalawa na tayo na pala ang tunay na nakatadhana para sa isa’t
isa. Gayunpaman, masaya pa rin ako na hindi pa natin alam ang bagay na iyon
dahil sa ngayon ay marami pa akong oras at pagkakataon para mahalin ang sarili
ko, gawin ang mga bagay na gustong-gusto kong gawin at mapuntahan ang mga lugar
na gustong-gusto kong puntahan. Hindi pa man tayo magkasama ngayon, kapag
dumating na ang ang araw na pinakahihintay natin pareho ay marami akong ikikwento
sa’yo.
Nanaisin kong gawin ulit ang mga bagay na gustong-gusto kong
gawin kasama ka, at puntahan muli ang mga lugar na nais kong puntahan nang
kapiling ka.
At magiging ganun din naman ako sa’yo. Sasamahan kita at
sasakyan ang mga trip mo sa buhay.
Nasasabik na akong makilala ka. Gusto na kitang makausap,
makakwentuhan, mayakap, mahalikan, lumakad patungo sa altar nang magkasama,
tumira sa iisang bahay, bumuo ng pamilya at tumupad ng mga pangarap nating
dalawa.
Konting tiyaga lang, Mahal. Malapit na iyon.
Habang hinihintay kita ngayon, marahil ay nag-iisip ka rin
sa kawalan at hinihintay mo rin ang pagdating ko sa buhay mo.
Kapit lang,
Mahal. Malapit na iyon.
No comments:
Post a Comment