Pages

Tuesday, April 19, 2016

Kapag Wala Na Siya

“Kapag Wala Na Siya”
Isinulat Ni: CieloAmethyst
April 18, 2016

Lagi na nga lang ba nasa huli ang pagsisisi? Kung sabagay, sino ba
namang tanga ang magsisisi muna sa simula? Wala naman, ‘di ba?
Nakakagago lang talaga sa pakiramdam na palagi nalang, na kapag wala
na siya, doon mo lang maiisip kung gaano pala siya kahalaga sa’yo. At
sisisihin mo nalang ang sarili mo dahil pakiramdam mo ay kasalanan mo
naman kung bakit siya nawala sa piling mo. Saan ka nga ba nagkamali?
Saan ka nga ba nagkulang? Kapag ba naisip mo na ang lahat ng sagot sa
tanong mo ay babalik pa siya?
Siguro hindi na rin. Dahil ang wala ay wala na talaga.
Malulungkot ka nalang dahil lagi mong maaalala ang mga sandaling
kasama mo siya. Bakit nga ba lumipas ang lahat ng iyon? Kasalanan mo
ba ang lahat o mayroon din siyang ambag sa nangyari?
At kung iisipin mo talagang mabuti ay mas nasasaktan ka sa mga
ala-alang iniwan niya sa’yo kaysa sa mismong sandali na wala na siya.
Bakit ba lagi nalang ganon?
Sana ba mas pinahalagahan mo nalang ang mga oras na nandiyan pa siya
at mas naging mabuti pa kaysa sa kung ano ka dati para walang dahilan
para mawala siya? O mas sisisihin mo siya dahil nagawa ka niyang iwan,
nagawa niyang lumayo, nagawa niyang umalis sa buhay mo.
Ngayong wala na siya ay nalulunod ka sa kalungkutan at naiisip mo ang
mga panahong magkasama pa kayo. Gusto mo siyang puntahan para makita,
makausap o makasama pero hindi na pwede, pero wala ka ng magawa kung
hindi ang buhayin na lamang siya sa iyong imahinasyon. Nakakapraning
dahil ang tangi mo nalang pagpipiliang gawin ay palipasin ang lahat.
Palipasin ang panahon na nasasaktan ka ngayon at pagbabakasali na sana
bukas makalawa ay mawala na ang sakit, ang pait at ang matinding
kalungkutan. Na sana sa nalalapit na hinaharap ay maging masaya ka na
ulit. Kahit wala na siya…
Wala na siya. Tatlong salitang madaling bigkasin pero unti-unti kang
pinapatay dahil tila ba hindi mo matanggap. Wala na siya. Tapos na ang
lahat sa pagitan ninyo at kailanman ay hindi na maibabalik pa ang
dati.
Sino ka para ibalik pa ang nakaraan? Kaya mo bang iurong paatras ang
oras? Hindi, ‘di ba?
At ang tangi mo nalang magagawa ngayon ay tanggapin ito. Paunti-unti.
Ayos lang kahit mabagal o napakabagal. Minsan hihinto ka at
magsisimulang muli. At minsan hihinto ka ng matagal para
magtanga-tangahan saglit.  Pero ang mahalaga ay  uusad pa rin naman
ulit.
Wala na siya. Tanggapin mo na. At maging masaya nalang.
Kakayanin mo. Kung gugustuhin mong talaga ay magagawa mo ang bagay na iyon.
Oo nga at wala na siya pero nandiyan ka pa. Humihinga, nabubuhay at
may karapatang lumigaya. Wala man sa piling niya pero sa piling ng
lahat ng tao na mahalaga ang rolyo mo. Mahirap talagang tanggapin ang
katotohan na walang patotoo sa salitang walang hanggan dahil ang lahat
ay nagwawakas. Iba-iba man ang panahon at pagkakataon pero ang lahat
ay mawawala. Katulad mo. Wala ka na rin sa piling niya kaya patas
lang.
Maaaring ang mga sakit na nararamdaman mo ay maramdaman din niya.
Iyang panghihinayang na pilit mong kinukubli sa kaloob-looban ng puso
mo ay maaaring naiisip din niya. Hindi man natin alam pero baka nga.
Wala namang kasiguraduhan sa mundong ito. Ang lahat ay bahagi ng baka
sakali lamang. Lahat ng hawak mo ay maaaring mawala sa isang iglap
kagaya ng pag-ibig niya na akala mo ay iyo na habambuhay.
Mahirap ngunit kakayanin.
Kung babalik siya, salamat. Nasa iyo ang pagpapasya kung tatanggapin
mo pa siyang muli. Kung hindi na siya babalik ay salamat pa rin.
Salamat sa lahat ng ala-ala na palagi mong nababalikan, sa mapapait na
mga ngiti na lagi mong nararanasan at sa mga bagay na iyong natutunan
na kailan man ay hindi mo malilimutan.
Ngayong wala na siya, kaligayahan na lamang ang iyong hangarin. At
ngayong wala na siya, isipin mo nalang na mawawala na rin ang sakit.
Mahirap magtiwala, pero sige, tiwala lang.
Sasaya ka ulit. Kapit lang.

No comments:

Post a Comment