Pages

Friday, April 15, 2016

Huli - Isang Sanaysay

“Huli”
Isang sanaysay ni: CieloAmethyst
April 15, 2016





Kung kailan handa ka na, tsaka ka naman niya susukuan. Kung kailan
kaya mo ng ibigay ang puso mo tsaka ka niya titigilan. Kung kailan
handa ka na ulit magmahal ay nakahanap na siya ng ibang mamahalin.
Kung kailan nagmamahal ka na ay tsaka naman may iba na pala siyang
mahal.
Lagi nalang ba akong huli sa byahe ng buhay? O sadyang may mga tao
lang talaga na hindi kayang maghintay?

PARA SA UNANG TAO:
Nagmamahalan kayo at umabot iyon nang humigit kumulang na pitong taon.
Ipinaglaban mo siya sa maraming tao dahil ang tingin ng halos lahat sa
kanya ay hindi siya nababagay sa’yo at may mas nararapat na ibang tao
para sa’yo. Pero dahil sa letseng pagmamahal na iyan, ang
pagbubulag-bulagan at paglalaro ng tanga-tangahan ang pinairal mo at
hindi mo siya pinakawalan. Nagpatuloy ka lang sa pagmamahal.
Ilang beses ka niyang niyayang mag-asawa na at magpakasal ngunit lagi
kang tumatanggi at lagi mong sinasabi na hindi ka pa handa, at marami
ka pang gustong gawin bilang indibidwal. At sa tingin mo naman ay bata
ka pa na darating din ang tamang panahon para sa bagay na iyan.
Mag-aaway kayo, magkakaayos at magkakabati. Katulad lamang ng mga
tipikal na magkakarelasyon. Pupunta sa mga lugar na hindi niyo pa
napupuntahan para magbakasyon, pupunta sa mga lugar na kinalakihan
ninyo upang ipakilala sa mga kamag-anak at kapamilya. Hanggang sa ang
turing na nila sa kanya ay miyembro ng pamilya, maging ikaw ang turing
na nilang lahat sa’yo ng mag-anak niya ay kapamilya na rin nila.
Inaral mo ang mabuting pakikisama. Kahit na minsan ay nagmumukha ka ng
tanga sa isang sulok at pekeng ngumingiti. Pilit inilalapit ang loob
sa mga taong inaasahan mong magiging parte ng iyong buhay habambuhay.
Tinanggap mo ang lahat ng pagkakamali at pagkukulang niya dahil mahal
na mahal mo siya habang hinihintay ninyo pareho ang tamang panahon.
Pero letseng tamang panahon na iyan.
Dahil noong akala mo na handa ka na ay tsaka naman siya nanlamig sa’yo
hanggang sa hindi ka na kinausap, at nalaman mo nalang na may iba na
pala siyang pinagiinitan.
Nang komprontahin mo siya ay inamin niyang may iba na nga. Na wala na
daw siyang pag-ibig para sa’yo.
Sinubukan mo siyang bawiin. At sinabi mong handa ka ng magpakasal. Na
magsama na kayo bilang mag-asawa.
Pero huli na ang lahat. Hindi na daw siya masaya. Kaya naman natauhan
ka at hindi na ipinilit pa ang sarili sa kanya.

Nang muli kang makabangon ay muli rin siyang bumalik sa buhay mo upang
sana ay ayusin daw ang nasira niyo ng relasyon. Pero hindi ka na
pumayag pang papasukin siya ulit sa buhay mo dahil ang sabi mo ay huli
na ang lahat. Tapos ka ng maghintay, tapos ka ng umasa.
Huli na siya para ipagpatuloy pa ang naudlot niyo ng pagmamahalan.

Isa pa ay masaya ka na rin ngayon sa bagong dumating sa buhay mo at
lihim mong hinihiling na sana ay siya na ang huli…


IKALAWANG TAO:

Umasa ka na sana ay siya na.
Umasa ka na iba siya.
Umasa ka na kaya niyang hintayin ka.
Umasa ka na mahal na mahal ka niya.
Pero huli na pala dahil hindi ka na niya nahintay.
Yung akala mo na matiyaga siyang naghihintay hanggang sa handa ka na
ulit magmahal iyon pala ay lumalandi na sa iba.
Muntik mo na nga siyang sagutin at bitiwan ang mga katagang, “Mahal
Kita”, mabuti nalang at nakapagpigil ka. Dahil hindi pala niya iyon
dapat matanggap mula sa’yo.
Huwad ang lahat ng ipinangako niya sa’yo. Hindi raw siya aalis at
hinding-hindi magbabago. Pero nagbago ang lahat ng masaya niyong
pagsasamahan dahil may nakiklala siyang bago at siguro malamang ay
doon na siya nagsimulang mangako ng mga panibagong panata.
Nahuli ka na naman. Dahil kung kailan dama mo ng gusto mo na siya ay
tsaka siya naglaho. Hindi ka na niya talaga nahintay. Akala mo noong
una ay napagod lang siya at nagpahinga lang saglit kaya nanlamig, iyon
pala ay iniwan ka na niyang talaga.
Napako ang mga pangakong binitiwan niya sa’yo. Kinain niyang lahat ng
mga sinabi niyang matatamis na salita. Sana lang ay hindi siya
magkasakit ng diabetes dahil karma nalang niya iyon kung nagkataon. Sa
una ay sobra kang nagalit dahil nilihim pa niya ang lahat. Pero ngayon
ay masaya ka na at lubos na nagpapasalamat.
Hindi siya ang tamang tao para sa’yo. Dahil ang tunay na nagmamahal ay
hindi nagsasawang maghintay maging gaano man iyon katagal.
Hindi ka naman talaga nahuli. Hindi lang sila marunong maghintay.
At hindi sila ang itinakda para sa’yo.
Magdiwang ka. 
Maganda ka.

No comments:

Post a Comment