“Ang Nawawalang Ballpen”
Isinulat ni: CieloAmethyst
April 19, 2016
Iyong pagkakataon na halos mabaliw ka na kakahanap sa kanya. Iyong pakiramdam na para bang mababasag na ang puso mo at mawawalan ka na ng pag-asa na mahahanap mo pa siya. At iyong haba ng panahon na iginugol mo sa pag-aasam na muli mo siyang makakapiling.
Ito ang kwento ng nawawala kong ballpen…
Bakit nga ba nagiging ganun na lang ako ka-praning kapag nawawala ang mga pansulat ko? Kahit gaano sila kadami ay ramdam at alam ko kapag may nawawala o kulang.
Aaminin ko sa inyo na mayroon akong sakit na ako lang ang nakakaalam. At ang sakit na iyon ay ang pagiging adik. Oo, adik ako sa ballpen. May humigit kumulang ako na isandaang ballpen na nakapatong sa ibabaw ng lamesa ko. Nahahati iyon sa dalawang lalagyan. Ang isang lalagyan ay puno ng iba-iba’t kulay ng mga ballpen habang ang isa naman ay puro kulay kahel. Siyanga pala, maging ang mga lalagyan ko ng ballpen ay kulay kahel rin. Nabili ko lang ng sampung piso ang isa sa Divisoria noong nakaraang Disyembre bago mag-Pasko.
Bawat isa ay may pangalan ko at bawat isa ay alam ko ang istory ng kanilang pinagmulan. Kabisado ko rin kung saan sila nanggaling. Ganun ko sila kamahal na bawat detalye nila ay alam na alam ko. Ganun naman talaga tayo hindi ba? Kapag nagmamahal tayo ay alam na alam natin ang kwento nito at ang bawat detalye gaano man iyon kalaki o kaliit ay importante sa atin.
Timang na kung timang. Baliw na kung baliw. Pero sobra talaga ang lungkot na naramdaman ko nang mawala sa paningin ko ang isa sa mga ballpen ko. Nagagalit ako sa sarili ko dahil hinayaan ko siyang mawala. Hindi ko na matandaan kung saan ako nagkamali o nagkulang at nawala ba siya mula sa mga kamay ko, mula sa mahigpit kong pagkakapit. Ganun na ba ako katanga at sobrang manhid para hindi ko malaman kaagad na nawawala na pala siya? Bakit hindi ko namalayan kaagad?! Bakit ko pinabayaan? Bakit huli na ang lahat para makita ko pa siya?
Ano na ang gagawin ko? Maghihintay nalang ba sa walang hanggan na may magsauli niyon sa akin? Hahayaan ko nalang ba iyon ng ganun ganun na lang? Syempre hindi! May kailangan akong gawin at iyon ay ang hanapin siya at ibalik sa piling ko.
Nagtanong-tanong, binalikan ang mga lugar kung saan ako nanggaling at nagbabaka sakali na baka nandoon lang siya at hinihintay ako sa muli kong pagdating para kunin at isama siya. Pero wala. Naglaho nang talaga.
Lungkot, pagkabigo, panghihinayang, pagkalugmok, pagsisisi, pagdurusa ang halo-halo kong nararamdaman. Ang tanga-tanga ko! Ang gaga ko!
Wala na, wala na talaga.
Nakakaiyak. Nabawasan ang pagkatao ko. Nabawasan ang buhay ko.
Paano na nga ba ulit ang bumangon?
Bibili nalang ba ng panibago? Pero kahit naman bumili ako at makahanap ng panibagong kapalit ay hindi na iyon mapapalitan ng naging lugar sa puso ko.
May mga bagay lang talaga na kailanman ay mananatili sa puso mo, sa ala-ala mo. Muli mo nalang babalikan ang mga sandaling kasama mo pa siya habang hindi mo siya masyadong napahahalagahan.
Wala na, wala na talaga siya at wala ka ng magagawa kung hindi tanggapin nalang ang lahat.
Salamat nalang sa lahat ng nagawa mo para sa akin. At sa kung sinuman na may hawak na sa iyo ngayon, sana ay mas ingatan at pahalagahan ka niya.
Nagmamahal,
Ang unang may-ari.
No comments:
Post a Comment