(Isang Sanaysay)
Maaaring bawat isa sa atin ay may mga ala-alang gumuguhit sa ating isipan sa tuwing darating ang araw ng tag-ulan. Ito’y maaaring maging masaya, malungkot, nakakatakot o kung anuman.
Kung ako ang tatanungin, may isang ala-ala na tumatak sa aking isipan sa tuwing mababasa ng tubig-ulan ang bintana sa aking kuwarto, bintana ng bus na sinasakyan at lalo na kung mismo ang aking ulunan ay mawiwisikan nito.
Buwan ng Hulyo, Ika-labing dalawang araw, taong hindi na babanggitin pa. Ang oras – kasisilay pa lamang ng liwanag sa kalangitan na bahagya pa ring madilim sa pagluha ng kaulapan. Sa lugar ng Kamaynilaan kung saan abot tanaw ang mahabang baybayin ng Manila Bay. Hawak mo ang aking kamay habang binabagtas natin ang kahabaan ng Baywalk. Hindi alintana ang panaka-nakang pag-ulan at patuloy pa rin sa mabilis na paglalakad habang magkasugpong ang mga palad.
“Bilisan na natin, nandoon na ang mga kaklase natin. Tayo nalang yata ang mahuhuli sa finish line.” Wika ko sa’yo.
Imbes na sundin mo ang aking utos ay bahagya ka lamang ngumiti sa akin at muling ibinalik ang tanaw sa malalakas na alon na tumitilamsik sa mga dagat pampader ng Manila Bay. “Hayaan mo sila, basta tayo masaya.”
Hindi ko alam kung magagalit ba ako, matatawa, matutuwa o kikiligin sa iyong sinabi. Pinili ko ang huli. Sapagka’t para sa akin, ang mga sandaling ito – habang patuloy sa pag-ulan ang kalangitan, ito ay ang oras natin.
Mga sandaling kailanman ay hinding hindi ko malilimutan.
Sa unang pagkakataon ay may isang lalaki na nagkulong sa aking palad habang tinatahak ang kahabaan ng Manila Bay. At sa paraan nang pagkakahawak mo sa aking kamay ay nadarama ko ang wagas mong pagmamahal sa akin. Na tila ba kahit kailan ay hinding hindi mo ako bibitawan at ganun din naman ako sa’yo. Hindi ba’t iyon ang ating pangako sa isa’t isa?
Walang bibitaw kailanman…
Oo, ikaw ang aking unang pag-ibig at umaasa ako na ikaw na rin ang huli. Mahal na mahal ka nitong batam-bata kong puso. At maging sa pagtanda natin ay mananatiling ikaw lamang ang bukod tanging nilalaman nito.
Ngunit ang lahat ay may hangganan rin.
Sa pagtatapos ng panahon ng tag-ulan ay natapos rin ang pag-ibig mo para sa akin. Iyong inamin na may ibang nilalaman ang iyong puso na buong akala ko ay aking pag-aari.
Hindi na nga umuulan ngunit tila kay dilim ng aking paligid. Humahagupit ang malakas na pagbagyo sa aking damdamin na tila ba unti-unti nitong nadudurog ang walang muwang kong puso. Iniwan mo akong naghihinagpis at katulad ng sa ulan ang aking mga mata ay walang habas sa pagbuhos ang mga rumaragasang luha.
Sa tuwing dumarating ang panahon ng tag-ulan ay ikaw ang unang sumasagi sa aking kamalayan.
Maraming salamat sa isang masaya at mapait na ala-ala.
No comments:
Post a Comment