"Huwag Muna"
Isinulat ni: CieloAmethyst
Lagi mong sinasabi na mahal mo ako, na ako na talaga ang napili mong makasama habambuhay, na siyang nais mong pakasalan, magkaroon ng pamilya at maging kasama sa pagtanda.
Gustong-gusto ng puso ko ang maniwala pero kasi may mumunting tinig ang sumisigaw sa kaloob-looban ko na baka hindi naman totoo ang lahat ng iyan, na baka sa kabila ng lahat ay siya pa rin pala talaga ang mahal mo at hindi ako, na baka ginagamit mo lang ako upang mapagtakpan ang lahat ng bagay na pwedeng tapalan ng presensya ko sa buhay mo.
Hindi ko na alam kung papaano pa ang maniwala at magtiwala.
Dahil sa mga pinagdaanan ko ay lagi na nga akong may takot at laging nangangamba.
Baka kasi hindi pa talaga ito ang tamang panahon para sa ating dalawa.
Kailangan muna yata natin ng distansya.
Kasi baka nabibigla lang tayong pareho at baka bukas makalawa, ay mawawala ka na naman pala.
Sinasabi mo na mahal mo ako pero alam naman natin pareho na nandyan pa rin siya sa puso mo.
Oo nga at masaya naman kapag magkasama tayong dalawa
Pero malay natin na sa likod ng mga ngiti mo ay siya pa rin pala ang tunay na nakakapagpasaya sa'yo at ginagawa mo lang akong pantawid kasiyahan mo.
Hindi pa yata talaga tama ang para sa atin.
At ang isa't isa ay kailangan muna nating palayain.
Isipin ang mga bagay-bagay, timbangin, itama kung may mga dapat mang itama.
Ayoko nang masaktan ulit sa parehong dahilan na hindi naman pala ako ang siyang tunay na nilalaman ng puso mo.
Aasamin ko na dumating ang araw na buo ka na ulit at sa akin ka pa rin babalik.
Pero hindi na ako masyadong aasa pa dahil alam ko naman na sa bandang dulo
Ay ako pa rin ang siyang magiging talo.
Kung ibibigay ko na naman ang lahat at walang ititira para sa sarili ko, baka makalimutan ko na naman na tao lang pala ako.
Iyong klase ng tao na Nagmamahal ng sobra-sobra, umaasa ng lubos at nasasaktan ng todo.
Marupok, mahina, madaling mabola at mabilis maniwala.
Kaya habang hindi pa huli ang lahat, nais ko munang ilayo at ingatan ang puso ko
Mula sa posibleng pagkakadurog nito.
Pahilumin muna natin ang lahat ng mga sugat, ayusin ang mga buhay natin at isipin ang iba pang mas mahahalagang aspeto nito.
At baka sakaling tama man ang maging desisyon kong ito.
Wala akong pagsisisihan at pareho pa nating malaman na sa kabila ng mga lilipas na panahon ay tayo pa rin pala ang nakatadhana.
Hindi masamang umasa. Pero sana ay iyong sapat lang.
Salamat kung babalik ka pa at buo na talaga ang loob mo at pagpapasya na ako na talaga ang nais mo sa iyong buhay.
At salamat pa rin kung iyong mapagtatanto na hindi pala ako.
Mas pipiliin ko pa rin ang maniwala na meron paring TAYO sa hinaharap.
Mananalig pa rin ako sa tadhana nating dalawa na tayo ang pagbubuklurin ng kapalaran.
Pero sa ngayon, Mahal ko, ay huwag muna.
Masyado pang masakit, huwag muna.
No comments:
Post a Comment