Isinulat ni: CieloAmethyst
June 6, 2016
Kaninang umaga habang ako ay lulan ng jeepney,
Ipinasak ang earplugs sa magkabilaan kong tainga habang ang telepono ay nasa bulsa.
Makalipas ang tatlong kanta ay pumainlanlang ang isang pamilyar na awitin.
Awiting may tatak sa puso, awiting kabisado ko, awiting ginawa mo…
Tula iyon ng pag-ibig na isinulat ko at nilapatan mo naman ng tono gamit ang gitara mo.
Inialay mo para sa akin noon at sinabing iyon ang awitin natin.
Ayokong makadama ng lungkot, ngunit ayoko rin namang sa bulsa ay dumukot,
Para sana kunin ang telepono at patigilin sa pagtugtog o di kaya ay ilipat ng ibang musiko.
Iyong hindi sana makakapagpaalala sa’yo, sa nakaraan natin, sa pag-ibig natin, sa lumipas na mga alaala kapiling ang isa’t isa.
Pero wala. Piniling maging tuod at hinayaan na tumagos ang awitin sa mga tainga, patungo sa utak padaloy sa puso.
”Ang kahulugan ng pag-ibig ay ikaw, ang buhay ko ay wala kung wala ka. Hindi pagsisisihan na ang pagmamahal ay sa’yo ibinigay, buong buhay sa’yo ay iaalay. ”
Ilan lamang ang mga ito sa nilalaman ng liriko. Kabisadong-kabisado pa rin ng puso ko. Ang tanga-tanga ko naman kasi, bakit ba hindi magawang burahin ang awiting ito. Kagaya ng ginawa mong pagbubura sa akin, sa atin, sa loob ng buhay mo.
Ang sabi ng kaibigan ko noon, kapag ang isang musikero raw ay ginawan ka ng kanta,
Ng libre at ipinangsurpresa pa upang matuwa ka, seryoso daw siya sa’yo, at ikaw na talaga.
Ang ninanais niyang makasama habambuhay, ang totoo niyang mahal na mahal at pag-aalayan ng mundo. Ang sarap sanang umasa. Hay.
Maaari ngang totoo naman iyon. Iyon nga lamang ay noon iyon, tapos na, lipas na, nakaraan na.
Ito ay noong hindi pa siya dumarating sa buhay mo, at noong hindi mo pa pinipili na tigilan ako.
Tigilan ang mga sandaling ako ay kasama mo, kausap, kalambingan, kapuyatan habang ang telepono ay nasa pagitan nating dalawa.
Hindi tumitigil sa araw-araw at halos oras-oras na pangungumusta at pagpapaalala sa oras ng pagkain, pag-iingat sa byahe, sa pagpasok sa trabaho, at sa pagsasabi ng goodnight bago matulog.
Wala na ang mga iyon. Wala na ang dating ikaw, ang dating tayo, ang dating mayroon tayo.
Ang isang kamay ay muli na namang dumukot sa bulsa. Hindi para kunin ang telepono na may musika kundi para kunin ang isang panyo. Panyo na ipamumunas sa kumikislap na namang mga mata, dahil sa pagbabalik ng mga pesteng alaala.
Nang matapos ang nakakapagpadramang kanta ay kinuha na rin sa wakas ang telepono sa bulsa. Tinignan ito upang masipat kung ano na ang oras at kung mahuhuli na ba sa pagpasok sa trabaho.
Kung ibabalik nga ba ang oras, pipiliin ko bang isoli ito sa mga panahong magkasama pa tayo? Ewan ko, hindi ako sigurado.
Baka kasi bumalik lang din ang panahon noong pinili mong iwan ako.
Kaya siguro, hindi bale nalang. Babalik nga ang masayang mga pagkakataon, pero pagkatapos niyon ay ang masasakit na mga sandali naman. Kaya huwag nalang. Hindi bale nalang.
Muli na sanang ibabalik ang telepono sa bulsa dahil baka matangay pa ng mga tumatakbong magnanakaw na nagkalat sa kalye. Ngunit muli na namang natigilan nang makita ang petsa ng araw ngayon, tinitigan pang mabuti ang screen ng telepono at baka naduling lang. Pero tama talaga.
Shet. Ika-anim ng Hunyo. Delubyo. Iisipin na lamang na nagkataon lang ang lahat. Mayroon akong mahigit dalawan daan na kanta sa telepono, nagkataon lang, oo nagkataon lang ito.
At dahil sa wala akong amnesia ay naalala kong kaarawan mo pala ngayon. Naalala ko pa ngang ginawan kita ng tula noong nakaraang taon. Tulang may larawan pa nating dalawa. Larawan kung saan tayo ay masaya. Ngunit kagaya ng lumipas na taon, lipas na rin ang pagsasamang iyon. Bahagi na lamang ito ng pareho nating kahapon. At kailanman ay hindi na maibabalik pa. Dahil kung magkakaroon man ng pagkakataon ay ayoko na. Ayoko na talaga.
Masyadong masakit ang kahapong iyon. Masakit na may kasama pang galit. Ngunit kailangan nang pakawalan ang poot, magpatawad upang tuluyan nang lumaya. Lumaya sa pag-ibig para sa’yo, at sa pangit na alaala.
Kaligayahan. Kaya ko itong makamtan.
Hindi kita kailangan sa buhay ko para sumaya. At alam kong hindi mo rin ako kailangan para ikaw ay lumigaya. Kaya quits lang.
Kagaya ng pagsasabi sa mga taong ipinanganak sa araw na ito, na ‘Maligayang bati’! Hangad ko rin ang kaligayahan para sa buhay mo… sa buhay mo na wala ako.
Maligayang Kaarawan!
No comments:
Post a Comment