Pages

Monday, April 10, 2023

Baka Hindi Talaga

 

Date Written: June 21, 2022




Patuloy pa ring kumakapit ng mahigpit

Hindi bumibitaw kahit gaano na kasakit

Pero sabi nga nila ang lahat ay may hangganan

Kasama na ang walang hanggan


Lagi pa rin nating ipinaglalaban

At ang isa’t isa’y hindi pinapakawalan

Pero baka dapat na yata,

At baka dapat hindi na yata talaga


Dapat nang wakasan ang meron tayo

At baka hindi yata talaga tayo

Hinayaan ng tadhana na magkakilala

Ngunit hahayaan rin ng tadhana na kumawala




Alaala na lamang ang matitira

Lahat ay maglalaho nang parang bula

Masakit, mapait, malungkot ang paglisan

Pero baka sa huli sasaya pa rin naman

(hindi na nga lang magkapisan)


Baka hindi na talaga….





Araw-araw Ikaw

 



Sa bawat araw ako ay nagpapasiya

"Tayo" ang palaging pinipili

Hindi madali, hindi ganun-ganun lang

Nakakatakot, nakakakaba, nakakaduda

Pero lahat ng iyon ay binabalewala

Dahil ang pagmamahal sa'yo 

ang laging sinasauna


Hindi ako magsisisi

na sa araw-araw ay ikaw ang pinipili

May kabuluhan ang lahat

At ikaw ang kahulugan 

ng buhay ko. 


Salamat dahil ako rin

ang lagi mong pinipili

ang pinipili mong makasama palagi

Sa lahat ng desisyon mo at pangarap,

lagi akong kasama.


"Tayo".

Ipinagdarasal ko na hanggang sa dulo ito.



Sabay Tayo


 


Hindi ko hinangad ang magkaroon ng mayamang jowa

Sapat na sa akin ang masikap at masipag

Mabait, mapagmahal at sabay kaming mangarap

Sabay na haharapin ang bukas

Nang magkasama at walang bibitaw


Mabait ang Diyos. 

Nagkakilala tayo.

At pinili natin ang maging iisa.

Sa pagdating mo sa buhay ko

Palagi nang sabay tayo


Sabay sa pag-abot ng mga pangarap

Sabay na magsasaya at maghihirap

Tagumpay ng isa, tagumpay natin

Walang sukuan at tulungan rin


Mahirap ang laban ng buhay

Ngunit napapawi dahil magkasama tayo

Sabay tayo sa lahat

Sabay tayo hanggang dulo


Bakit Tayo Natapos?

 Sana alam ko....



Ano ba ang naging mali?

Bakit tayo dumating sa dulo? 

Natapos ang walang hanggan natin.

Naputol ang ugnayan natin. 


Akala natin tayo na talaga

Pero mapaglaro ang tadhana

Wala na ang init ng damdamin

Wala na ang tamis ng pagsasama.


Huli na ang lahat, natapos na dito

Dumating na tayo sa dulo

Nagwakas na ang walang hanggan

Simula na ng pagbangon 

mula sa pagkakabigo


Hindi ko pa rin maisip

Kung bakit nga ba natapos

Ang tayo na ninais natin noon na wala sanang wakas

Bakit nga ba? 

Ang tanong na paulit-ulit

Kumukudlit sa puso at sa isip.

Bakit nawala ang dating tayo?

Ang pag-ibig natin, bakit naglaho?

Saan napunta ang dating masaya?

Bakit nga ba natapos ang hindi dapat?

Ang dami pang tanong,

Pero tama na. 

Tapos na eh. 

Wala na tayong magagawa

Tanggapin na lamang

Na baka hindi nga talaga

Hindi tayo ang itinadhana

Itinadhana lamang para magkakilala

At itinadhana rin na mawala ang pagsasama. 

Tama na, 

ito na ang wakas. 

Ng kwento nating dalawa. 

Wala ng tanong kung bakit. 


Pagsisisi

 




Meron ka ba nito?

Mga bagay na pinagsisisihan mo? 

Ako kasi, marami.

At sa isip ay paulit-ulit na sumasagi. 


Maraming sana, maraming hinayang

maraming "kung"

pero wala na eh, 

tapos na, 

nangyari na. 


Abante. 

Ang daling sabihin. 

Pero mahirap gawin. 

Aatras ka pa rin talaga

At madalas pa nga nakatengga.


Gagawin na lamang aral

at itatama sa mga susunod na pagpapasya

Tama na ang sisi. 

Tapos na eh. 

Aral na lang ang naiwan. 

Na pwedeng dalhin kahit saan at kailanman. 


Ikaw ang Pahinga

 




Salamat dahil ikaw ang pahinga ko...


Maaga pa lang ay simula na nang pakikibaka

Kasisilip pa lang ng araw, 

pakiramdam ko pagod na ako kaagad. 

Isang buong araw na naman ang bubunuin

Para lumaban sa mga hamon ng buhay.


Kailangang kumayod, 

kailangang kumilos, 

kailangang mag-isip,

kailangang makisalamuha sa ibang tao,

kailangang maging produktibo. 

Kailangang maging abala at maglaan ng mahabang oras

para kumita, para mabuhay. 


Sa pagsapit ng dilim, pagod na uuwi. 

Kikilos pang muli para sa mga personal na pangangailangan.

Pero lahat ay napapawi.

Dahil nandyan ka, na aking pahinga. 


Salamat, Mahal. 

Sa magulo at maingay na labas, 

heto tayo sa loob, payapa, magkayakap at 

handa na ulit para bukas.